5,339 guests

Ang Tatlong ‘C’ ng Eleksyon

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 4213

Sunod-sunod ang mga mahahalagang pangyayari sa Commission on Election. Matapos ibasura ng Supreme Court ang kasunduan na nagpapahintulot sa Smartmatic-TIM na magsasaayos ng mga PCOS machine na gagamitin sa 2016 national elections, napabalita din ang napipintong pagpapa-bid ng COMELEC ng 63,000 na bagong OMR machines na siyang papalit sa dating PCOS. Siniguro naman ni COMELEC spokesperson James Jimenez na magiging neutral ang panibagong bidding at hindi papabor sa Smartmatic-TIM.

Tila isa na naman  itong pagkakataon para ang Smartmatic-TIM ay muling makapasok at siyang magbigay ng teknolohiyang gagamitin upang maging automated ang eleksyon sa bansa. Marami ang umaayaw sa repeat performance na ito dahil na rin sa malaking duda sa reliability at accuracy ng sistemang ginawa ng Smartmatic noong nakaraang halalan.

Ngayong linggong ito naman, pinangalanan na ni PNoy ang papalit kay Chairman Sixto Brilliantes bilang pinuno ng kontrobersyal na komisyon. In-appoint si dating Presidential Commission on Good Governance chief Andres Bautista upang maupo bilang bagong COMELEC Chairman.  Bukod sa pagiging dating pinuno ng PCGG, naglingkod din si Bautista bilang Dean ng Institute of Law ng Far Eastern University at naging kandidato sa pagka-Chief Justice noong 2012 kung saan si CJ Sereno ang pinalad na mapili. Ayon kay Vice President Binay, kilala si Baustista sa pagiging isang “man of integrity.”

Napakahalagang bantayan natin ang mga nagaganap ngayon sa COMELEC. Tandaan natin na isa sa haligi ng demokrasya ang kalayaan ng mga mamamayan na makapili ng mga taong mamumuno sa bansa. Madalas nakapako ang paghahanda natin sa dalawang bagay: una, ang pagkilatis sa mga tumatakbong kandidato at ang taglay nilang qualifications upang mamuno. Ang pangalawa ay ang mga paghahanda sa mga botante at sa kakayahan nilang bumoto ng malaya at wasto. Madalas dito sa dalawang ito umiikot ang karamihan sa voter education na isinasagawa ng iba’t-ibang grupo. Subalit napaka-critical din ng pangatlong aspeto ng eleksyon sa Pilipinas –ang papel ng COMELEC bilang ahensya ng gobyerno  na naatasang magpatupad ng maayos na electoral process.

Isa man sa tatlong ito ang sumablay, sira  na ang resulta ng eleksyon. Kapag lumabas na puro unqualified ang mga kandidato, wala na namang pagpipilian ang mga tao at mauuwi lang muli sa pagboto ng ‘lesser evil.’ Kapag botante naman ang sumablay, mananaig ang kawalang ng interes at mauuwi sa mababang voter turnout. O di kaya’y dahil sa kapos na impormasyon tungkol sa mga kandidato, boboto na lang ng kung sino-sino o kaya ay para hindi sayang, ipagbibili na lang ang boto sa kaunting halaga.

Subalit kapag sumablay ang COMELEC na ipakita ang transparency at integrity ng sistema ng halalan, malaki ang problema natin. Hindi mabibilang ng tama ang boto natin. Hindi magiging salamin ang halalan ng pinagkaisang tinig ng sambayanan. Oo at kayang bantayan ng NAMFREL at PPCRV ang gagawing bilangan ng balota. Subalit hindi nila mababantayan kung magka-hokus-pokus mismo sa loob ng pamunuan at mga opisyal ng COMELEC. Mula sa ‘hello’ ni Garci hanggang sa mahiwagang ‘flashcards’ ng Smartmatic, kitang-kita natin ang kapangyarihan ng ahensya upang impluwensiyahan ang resulta ng halalan.

Kaya’t dapat nating bantayan ng pantay ang tatlong ‘C’ na ito ng eleksyon: Constituency of voters, political Candidates, at COMELEC as an agency. Pero higit sa lahat, bigyang  pansin natin ang COMELEC na siyang magtitimon ng barko ng eleksyon sa 2016. Lulutang o lulubog ba sa korupsiyon ang ahensya? Magmatyag po tayong mabuti.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas”, tuwing 7-9 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa 702 DZAS (AM) - FEBC Radio.