6,344 guests

Aralin Mula Kay Yolanda

  • Written by Emil Jon Soriano
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1150

Kamakailan lang ay muli na namang nanalasa ang isang super typhoon sa ating bansa, code name Lawin. This time tumama ito sa Northern Luzon.  Marami ang nasirang mga kabahayan, ari-arian at panananim.  May mga namatay at nasugatan din.  Bagamat bakas ang bagsik ng hagupit  ng bagyong Lawin, makikita natin na mas handa ang gobyerno at ang mga komunidad sa pagsalubong sa bagyong ito.  Nag improve din ng malaki ang pagrespond ng pamahalaan.

Nagpakita ng sinseridad si Sec. Judy Taguiwalo ng kusa siyang magpaiwan sa entourage ng Pangulo papuntang China upang tutukan ang padating na bagyo.  Siya mismo ang personal na nag hands on sa operasyon ng relief and rescue. Mapapansin din ang mga box ng relief na walang nakatatak na pangalan ng mga pulitiko. Nagpapahiwatig na this time serbisyong totoo ang nais at hindi pagpapabango sa katungkulan.  Ilan lamang yan sa mga paunang pagpapakita ng gobyernong ito ng maayos at epektibong pagtugon sa kalamidad.  Nawa’y sa buong termino ng administrasyong Duterte ay patuloy maging mas mabisa at mahusay ang disaster response.

Kung tutuusin marami ang aral na natutunan natin sa bagyong Yolanda. Ngayong Nobyembre ay idadaos ang ikatlong anibersaryo ng malagim na trahedya.  At sa mga nakita nating pagbangon ng mga bayang naapektuhan nito sa Visayas ay nagpapakita ito ng mga karanasang nagbibigay pag-asa na kayang umahon ng ating bayan mula sa pagkasalanta.

Ilang mga bagay ang pwede nating paigtingin at tutukan base sa naging karanasan sa Yolanda.

Una ay ang pagpapaigting sa pagsasanay ng mga community based organizations at baranggay sa disaster response. Marami ng training na naisagawa ang ibat ibang grupo maging ang mga faith-based NGOs. Mas pinagyaman din ang mga community based disaster response at mga katutubong paraan upang maging mas angkop ang pagtugon.  Magandang magpatuloy ito at gawing regular ang mga community drills.

Pangalawa ay ang sapat na mga facilities gaya ng mga evacuation centers.  Ang ilang mga simbahan ay disaster-ready na ang kanilang mga sanctuary at convertible na maging evacuation center.

Pangatlo ay ang  handang relied goods at ready na stock ng mga pagkain, tubig, gas, baterya, at iba pang mga equipment para sa emergency.  Ang pangangalap nito ay maari ng gawin sa community level.  Isang mahusay na plano at sistema ng mobilisasyon ang kailangan para dito.

Ika-apat ay ang role ng mga mambabatas at mga lokal na opisyales. Mangyaring magsabatas sila ng isang epektibong land use law upang magamit ng nararapat ang mga lupa. Sa ganitong paraan ay maiiwasan na tumira ang mga tao sa mga lugar na high risk kapag may natural calamity. Isang mahusay na urban planning din ang dapat pagtuunan ng pansin ng sa gayon ay ma minimize ang risk sa mga damages na dulot ng mga disaters. Magandang isama sa plano halimbawa ang mga disenyo ng bahay na angkop sa lugar.  Mga bahay na matibay gaya ng nakita natin sa Batanes na nanatiling nakatayo hampasin man ng malalakas na bagyo. Ang mga bahay na ito ng mga katutubong Ivatan ay halimbawa ng isang angkop na yari ng bahay na nakabatay sa karanasan nila ng malalakas na mga bagyong dumating sa kanila taun-taon.

Ilan lamang ito sa mga pwedeng gawan ng mga praktikal na mga bagay.  Nagpapakita ng politikal will ang administrasyong ito kaya’t malaki ang posibilidad na makapagpatupad pa sila ng mga epektibong disaster at emergency response. Sa lahat ng nabanggit, magandang bigyang-diin ang mga community based initiatives at sa baranggay level pa lang ay may kakayanan ng tumugon. Dito sa level na ito ay mas kinakailangan ang pinagibayong cooperasyon ng simbahan, local government units at iba pang mga people’s organistion upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng lahat sa komunidad.  Ito ay maaaring maging mukha ng inaasam na “pederalismo” sa baranggay level kung saan buhay na buhay ang self-initiative, self-organizing, at self-empowering na mga prinsipyo.

Sa ikatlong anibersaryo ng Yolanda, tandaan natin na magiging makabuluhan ang pag-honor natin sa mga namatay sa trahedya kung ating paghuhusayan ang pagtugon sa mga dadating pang kalamidad sa hinaharap.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.