6,363 guests

Batayan sa Parusang Kamatayan

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1107

Nitong linggong ito, nakapasa sa Committee on Justice ng kasalukuyang Kongreso ang HB01 na siyang muling bumubuhay sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa. Sa bagong panukalang batas, maaaring bitayin ang mga sumusunod: rapist, kidnapper, killer, carnapper, plunderer, mga namimirata ng produkto, at mga sangkot sa illegal na droga.

Tiyak na magiging mainit ang debate sa mga susunod na araw. Isa sa mga boses na madalas ay nangingibabaw sa diskusyon ay mula sa simbahan. Subalit parehong may mabigat na argumento ang magkabilang panig ng pro at anti death penalty mula sa religious sector.

Dahil patuloy na marami pa ring Pilipino ang nagtatanong kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa isyu ng death penalty, mahalagang maging maingat ang bawat panig sa pagbuo nila ng argumento. Paalala ng II Timoteo 2:15 na marapat “gamitin ng matuwid ang Salita ng Katotohanan.”

Sa mga nagnanais na patunayang sumasang-ayon ang Bibliya sa death penalty dahil maraming beses na mismong Panginoong Diyos ang naglapat ng kamatayan bilang parusa sa kasamaan ng mga tao mahalagang bigyang pansin din ang pagkakaiba ng panahon, kultura, kalagayang panlipunan, at sistema ng paglalapat ng hustisya sa panahon ng Bibliya ay sa makabagong panahon. Kasama sa historical gap na ito ang madalas mabanggit na talata sa Roma 13 kung saan sinasabing pinagkalooban ng “tabak” ang gobyerno upang parusahan ang mga masasamang loob. Mahalagang pansinin na hindi na tayo nabubuhay sa panahon kung saan ang buhay ng isang tao ay nasa kamay at pasya ng isang Emperador. Sa konteksto ng Pilipinas, ang ating bansa ang kauna-unahang bansa na sa Asya na nag-abolish ng death penalty noong 1987 at naging kabilang tayo sa hanay ng mga tumawid sa mas progresibong paglalapat ng hustisya.

Sa mga nagnanais naman na patunayang salungat sa diwa ng Bibliya ang death penalty dahil sa sinabi ng isa sa Sampung Utos na “Huwag kang papatay…”, mahalagang pansinin na ang ginamit na salita sa orihinal na Hebrew Bible ay hindi ang general word ‘to kill’ kundi ang mas specific na salitang ‘to murder.’ Ayon sa mga Bible scholars, ang mas accurate na salin ay “Thou shall not murder.” Mahalagang distinction ito lalo pa’t maraming pagkakataon sa Lumang Tipan kung saan ang sikat na Bible characters tulad nina Moses, Joshua, Samuel, David, at iba pa ay kumitil ng buhay upang ipataw ang parusang kamatayan sa mga sumuway sa kalooban ng Diyos. Kung general na ‘thou shall not kill’ ang pagbabatayan, lalabas na maging sila ay guilty sa paglabag sa diwa ng utos na ito. May ibang talata sa Bibliya na mas marapat pagbatayan ng argumento.

Sa huli, mahalagang isipin ng religious sector na sa pagsali sa pampublikong diskurso patungkol sa isyu ng death penalty nagmamasid ang mga hindi basta makukumbinsi ng religious arguments at pagsipat ng talata mula sa isang banal na aklat. Sa sitwasyong ganito, dapat maging mas masinop at masusi sa paggamit ng prinsipyo mula sa Bibliya. Gawin ito sa paraang nagpapalalim at magpapalawak sa takbo at tono ng diskusyon.

Isang magandang panimula ay ang bigyang-pansin na mismong si Hesu-Kristo ay biktima ng death penalty na ipinatupad ng isang palyado at kaduda-dudang gulong ng hustisya.  Mangyari at maulit pa kayang muli ang ganitong tagpo sa sistema ng gobyerno na meron tayo ngayon?

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.