7,897 guests

Dalawang Mukha ng Lingkod-Bayan

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 112

Nitong nakaraang linggo, dalawang pangyayaring pumailanlang sa mga balita ang nagpakita sa atin ng magkaibang mukha ng pagiging lingkod-bayan.

Una ay ang pagkakapatay kay Dr. Dreyfuss Perlas sa Lanao del Norte noong ika-uno ng Marso. Ang ikalawa ay ang pagkakapasa sa Kongreso ng pagpapanumbalik ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng boto ng 217 kongresista noong Marso 7.

Si Dr. Perlas, 31 taong gulang, ay produkto ng doctor to the barrio program ng Department of Health (DOH). Tapos siya ng biology at zoology mula sa UP Los Banos, medisina mula sa Western Visayas State University, at master in public management major in health system mula sa Development Academy of the Philippines. Kung tutuusin, maaaring piliin ni Perlas ang isang magandang buhay sa siyudad o maging sa ibang bansa, pero mas ninais niyang maglingkod bilang municipal health officer sa marginalized at underserved na fifth class municipality ng Sapad, Lanao del Norte.

Labinwalong kilometro ang binabaybay ni Perlas mula Sapad hanggang Lala upang magsagawa ng medical missions sa mga mamamayan ng Lanao del Norte. Batid ng marami ang kanyang sakripisyo bilang isang rural doctor kung saan mismong sarili niyang suweldo ang kanyang ginagastos para maisulong ang health care sa mga pook na kanyang pinaglilingkuran. Sa kasamaang palad, isang bala sa kanyang likod na tumagos sa kanyang puso ang kumitil sa buhay ni Perlas. Pinarangalan siya ng DOH sa pamamagitan ng paggawad sa kanya, post-humously, ng Bayani ng Kalusugan Award. Kinilala ng kagawaran ang kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan para maitaguyod ang universal health care.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, spokesperson ng DOH, may 500 pang doctors to the barrio ang kasalukuyang naglilingkod sa mga lugar sa bansa na pinakamahihirap hatiran ng serbisyong pangkalusugan. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin sila ng karampatang suporta at proteksyon mula sa pamahalaan para mas mapabuti pa ang kanilang paglilingkod sa ating mga kababayan.

Sa kabilang banda, 217 kongresista ang bumoto ng “yes” sa House Bill No. 4727. Ito ang panukalang batas na naglalayong ibalik ang death penalty para sa pitong drug-related offenses. Kontrobersiyal ang naturang bill dahil sa ginawang pananakot ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tatanggalan ng committee chairmanship ang mga boboto ng “no” sa panukalang batas o dili kaya’y mag-a-abstain o a-absent sa araw ng botohan. Isa itong matalim na mensahe na dapat umayon sila sa agenda ng administrasyon, o tanggapin ang kabayaran ng kanilang pagsalungat.

Dahil dito, brasuhan ang nangyaring botohan sa kongreso kung saan ang nakataya ay ang political positions na hawak ng mga kongresista. Maliit ang bilang ng mga kongresistang nanindigan sa kabila ng bantang kanilang natanggap, kaya naman maaaring isipin na malayo sa pagiging vote of conscience ang naging pasya patungkol sa pagbabalik ng death penalty kundi vote for personal political survival.  Isa itong malungkot na pangyayari kung saan ang kapalaran ng mga mahihirap na Pilipino ay naisakripisyo sa ngalan ng interes sa kapangyarihan. Ayon sa ilang pag-aaral, pawang mga mahihirap lamang ang napatawan ng parusang kamatayan noong ito’y ipinatupad ng pamahalaan.

Napakahirap na hindi maihambing ang kalidad ng serbisyong ibinibigay ng mga doctors to the barrio sa self-serving na performance ng mga itinuturing nating “kinatawan” ng taumbayan sa kongreso.

Paalala sa atin ng Bibliya, “Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid” (Deuteronomio 16:19).

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364-2090.