6,334 guests

Extrajudicial Killings at ang Posisyon ng mga Kabataan sa Usaping Panlipunan

  • Written by Kezia Grace Jungco
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 5826

Sa kasalukuyan, ang pinakahuling naitalang kaso ng drug-related extrajudicial killings ay umabot sa 1,160, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa. Subalit, ayon naman sa Reuters, isang international news agency ay may 1,800 na naitalang kaso ng extra-judicial killings simula ng maupo si Duterte bilang pangulo. Samantala, mahigit kumulang 1.3 million ang naitalang sangkot sa ilegal na droga katulad ng shabu, marijuana, at inhalants. Hindi mawawaksi ang pangamba na unti-unti nang nagiging mapanganib ang kinabukasan para sa mga kabataang kabilang sa lipunang ito.

Kung ating hahabiin ang mga kasalukuyang pangyayari, hindi maikakaila na karamihan sa mga biktima ng droga at mga kaso kaugnay nito ay ang mga kabataan. Ayon sa Dangerous Drug Boards (DDB), nasa 20-29 ang karaniwang edad ng mga sangkot na drug user o pusher.

Ngunit hindi rin natin maikakaila na ang kabataan din ang maaring maging kasagutan sa usaping panlipunang ito. Nasa halos 30 million ang mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Ang numerong ito ay hindi lamang patunay na ang kabataan ay maituturing na asset ng bansa ngunit patunay din ang numerong ito sa lakas at impluwensiya na maaring idulot kung sama-samang makikilahok sa usaping panlipunan ang mga Pilipinong kabataan.

Sa gitna ng krisis na ito sa bansa, ano nga ba ang posisyon ng mga kabataan?

Makilahok. Kalakip sa misyon kung saan tinatawag ng Panginoon ang bawat kabataan ay ang magtalaga ng katarungan at kapayapaan sa bawat lugar sa mundo. Maaaring makilahok ang mga kabataan sa pagtatrabaho sa gobyerno o organisasyon na tumutulong sa pagbuo ng mga politikal na reporma upang tuluyang masugpo ang droga at krimen sa bansa. Maari rin na magsimula sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa mga kabataan na magkaroon ng holistic development upang mapaunlad ang kanilang mga buhay. Dagdag pa rito ay maari rin na makilahok sa pagtaas ng lebel ng usapan sa social media sa pamamagitan ng pananaliksik gamit ang mga credible sources at pag-iwas sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

Manalangin. Tinatawag ang mga kabataan na na tumayo at magsalita. Subalit minsan, tinatawag din tayo na idulog ang ating mga hinaing sa panalangin. Kalakip ng panalangin para sa bansa ay magkaroon tayo ng ‘Shalom’ [o kaayusan at kapayapaan] sa ating mga puso. Marapat din na idulog sa panalangin ang ating Pangulo dahil siya ang itinalaga ng Panginoon sa panahong ito bilang lider ng bansa. Hindi ibig sabihin nito ay tatahimik na lamang sa mga paglabag sa karapatang pantao at korapsyon na maaring kasangkutan ng Pangulo. Subalit sa halip na hintayin na magkamali ang Pangulo at mag-aksaya ng maraming oras sa para sa kare-reklamo at kritisismo sa social media, bakit hindi na lamang idulog ito sa panalangin?

Makibaka sa pananampalataya. Sa gitna ng krisis sa bansa at sa tila nakakalunod na dami ng opinyon ng mga tao, minsan ay mahirap para sa mga kabataan na iparating na nadudurog din ang kanilang mga puso para sa lipunan. Subalit, higit pa sa pagiging balakid ay nagsisilbi at magsisilbi itong hamon sa milyun-milyong kabataan na tumugon sa iba’t ibang isyu sa lipunan, sa social media  man ito o sa araw-araw na pagiging bahagi ng lipunan sa tahanan, trabaho, at komunidad. Nawa’y magsisilbi itong hamon para sa henerasyong nakaranas ng krisis na maging henerasyong nakibaka sa paglutas nito at pagiging instrumento ng Panginoon sa kaniyang gawain dito sa mundo. Ayon nga sa I Tim. 4:12, “Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay.”

Para sa kabataan, ang krisis na ito ay hamon para tumugon sa mga isyung panlipunan at maging daluyan ng pag-ibig ng Panginoon dito sa mundo ano man ang krisis na nagaganap.

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Kezia Grace Jungco ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinion ng bawat isa ay mahalaga.