5,794 guests

Fake News at False Flag Operations

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 754

Nitong buwan ng Abril, muling binomba ng United States of America (US) ang Syria. Dahil ito sa paghihinalang gumamit ang Syrian government ng chemical weapons sa village ng Khan Sheikhun batay na din sa lumabas na mga video footage. Bilang tugon, mabilis na ipinag-utos ni US President Donald Trump na bombahin ang Al-Sharyat airbase ng Syria. Iginiit ni Trump na ang military action na ito ay isang paraan ng pagprotekta sa national security ng US.

Pero umani ito ng pagkondena mula sa mga bansang Russia at Iran. Hindi rin nakaiwas ang US sa matinding batikos mula sa iba pang world leaders. Madami din kasi ang nagdududa sa mabilis na military action na ito ng US laban sa Syria. Ayon kay Rand Paul, isang prominenteng mambabatas at senador, malinaw na isa itong “false flag” operation. Hinahalintulad ito sa retorika na ginamit noong 2003 ng US at ng kanilang mga ka-alyadong bansa ng isagawa nila ang military action laban sa Iraq. Matatandaan na nanawagan si former US President Bush noon sa ‘international community’ na bombahin ang Iraq. Pero taon matapos mapabagsak ang rehimen ni Saddam Hussein sa Iraq, wala pa rin nailabas na concrete evidence na magpapatunay na may ‘weapon of mass destruction’ si Saddam at ang Iraq.

Dahil dito, hindi maiwasan na isipin ng ilang kritiko ng US at ng kanilang mga kaalyado na baka ganito na naman ang kalabasan ng isinagawang military intervention sa Syria. Kamakailan, muling nagpahayag ang US na priority nila ay isang regime change sa Syria. Marami ang nangangamba na maging mitsa ito sa pagsiklab ng World War III. Ayon sa report ng Council of Foreign Relations 2016, mahigit 12,192 bomba ang ibinagsak ng US sa Syria. Halos kapareho ng bilang ng bombing ibinagsak nito sa Iraq.

Marami din ang nagsasabi na maaaring ginagawa lamang na milking cow ng Western countries ang giyera sa Gitnang Silangan lalo na sa dako ng Afghanistan, Iraq, at ngayon ay Syria. Mahalagang banggitin din na kabilang din sa binobomba ng US ang mga bansang Libya, Yemen, Somalia, at Pakistan gamit ang ‘drones.’ Ang tanong ng marami: Paano nga ba at nagagawa ito ng US?

Ayun kay Door Edward S. Herman, may-akda ng aklat na Beyond Hypocrisy: Decoding the News in An Age of Propaganda, “doing terrible things in an organized and systematic way rest on ‘normalization.’ This is the process whereby ugly, degrading, murderous, and unspeakable acts become routine and are accepted as ‘the way things are done.’” Sa madaling salita, dahil sa araw-araw na itong nakikita at naririnig, tinatanggap na lamang ito ng marami bilang isang normal na pangyayari sa ating mundo.

Isang halimbawa nito ang mga “false flag” operations. Kung tutuusin, isa uri ito ng propaganda at ideology na ginagamit ng mga makapangyarihang sa mundo upang ma-condition ang kaisipan ng mga tao na normal ang war industry o war production. Nakakalungkot na madami ang hindi gustong pag-usapan ang usapin ng propaganda at ideolohiya. May nagsasabi pa nga na wala na tayo sa Age of Ideologies. Subalit ayon kay Slavoj Zizek, may-akda ng The Sublime Object of Ideology, kailangan natin ng ideology para makita natin kung paano at ano talaga ang realidad ng ating mundo. Diumano, maraming paraan upang pagdudahan natin ang mga bagay na basta na lamang natin tinatanggap bilang normal na mga pangyayari. Dagdag pa niya, “Minsan, kapag wala kang ginagawa, ito ang pinakamarahas na bagay na maaari mong gawin." Sa pagharap sa pandaigdigang mga isyu tulad ng refugee crisis, xenophobia, Islamophobia, hate speech, proxy war, at globalization of military power, ang pinakamarahas na pwede mong gawin ay ang wala kang gawin.

Sa panahon ng alternative facts, fake news, at false flag operations, kailangan natin maging critical sa lahat na ating naririnig at nakikita lalo na midya. Sinasabi ng Walter Brueggemann, isang kilalang scholar ng Biblia, kailangan natin ng “prophetic imagination” –isang pananaw na naglalayong taasan ang ating kamalayan panlipunan bilang isang mananampalayata. Pero higit pa dito, layon nitong mag-develop ng kritikal napag-iisip sa kasalukuyang ‘social order’ at manawagan para sa isang alternatibong scenario na naka-angkla sa isang lipunang may kapayapaan at katarungan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .