5,594 guests

Fake News at Post-Truth

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 541

Sumalang sa hearing ng Senado ang dalawa sa controversial na ‘bloggers’ na taga-suporta ng kasalukuyang administrasyon –si G. RJ Nieto na mas kilala sa kanyang blog na “Thinking Pinoy” at si Bb. Mocha Uson na naging kilala naman sa kanyang Facebook account na “Mocha Uson Blog.” Si Uson ay kasalukuyang Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO). Umikot ang naging pagdinig noong Martes sa isyu ng ‘fake news’ sa bansa. Tumutukoy ito sa lumalang sitwasyon ng paglaganap ng ‘unvalidated information’ lalo na sa social media kung saan maraming mga netizens ang napapaniwala at nabibiktima.

Mahalagang suriin ang national na issue na ito sa mas malawak na punto-de-vista kung saan marami sa lipunan sa buong buong mundo, hindi lamang ang Pilipinas, ay pumapasok sa tinatawag na era ng ‘post-truth.’ Mula ang salitang ito sa “Word of the Year” noong 2016 ng Oxford Dictionary. Ayon sa mga scholars, tayo ay nasa panahon kung saan maraming tao ang nahuhumaling sa mga bagay na umaayon sa conviction at emotion bagamat ito ay salat sa pagiging objectiv  at pagiging makatotohanan. Nakapalibot sa ganitong kalagayan ang mataas na pagbuwag ng tiwala at tumataas na suspicion ng maraming tao sa mga bagay na ipinapalabas ng mga established sources ng balita at impormasyon. Dahil nagiging mulat sila sa posibilidad na maaaring ‘bias’ ang mga ito, nabubuksan sa kanila ang pinto na i-entertain ang tinatawag na ‘alternative facts’ upang mabasag ang monopolyo ng mga tagapag-takda ng opinyon at pananaw patungkol sa katotohanan.

Sa isang demokrasya, kung saan pinapangalagaan ang ‘freedom of expression,’ masasabing isang magandang development ang pagiging kritikal ng mga tao sa mga impormasyon na kanilang nababasa at nadidinig. Ang malayang talastasan at maingat na pagsusuri ay isang tatak ng malusog na lipunan. Subalit, mahalaga ding bigyan ng pansin na laging may mga masasamang elemento na sasakyan ang nagbabagong kalagayan ng lipunan upang isulong hindi ang pagkakaroon ng plurality of perspectives kundi ang paglaganap ng mga maling impormasyon.  Lalo’t higit na maselan ang isyung ito dahil dumarami ang mga tao sa panahon ngayon na nakababad na sa social media at doon na lamang kumukuha ng balita at impormasyon.

Mahalagang tandaan na ang internet ay isang anyo ng media kung saan marami sa mga matatagpuang balita ay user-generated at hindi dumaan sa anumang paraan ng verification. Hindi tulad ng mas makalumang tri-media ng radyo, telebisyon, at pahayagan kung saan may mga ‘editors’ na tumitingin at nagsisigurong bawat balita at opinyon ay papasa sa mataas na standards ng disiplina sa larangan ng journalism. Sa internet at social media, self-regulation ang tanging paraan upang mapangalagaan ng sinuman ang kanyang sarili na mabiktima ng mga kumakalat na ‘fake news.’  Ibig sabihin, nasa bawat indibidwal ang susi upang salain kung alin ang totoo at hindi totoo sa mga nababasa online. Isipin din ng bawat isa na sa bawat bagay na ise-share sa social media accounts posibleng may kaibigan at kamag-anak na makakakita at makakasagap ng bagay na iyon. Kung ‘fake news’ ang iyong nai-post, naging kabahagi ka ng pagpapalaganap ng maling impormasyon.

Sa Biblia, simple ang katawagan sa ‘fake news’ –‘kasinungalingan.’   Ganito ang mababasa sa Kawikaan 12:22, “Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: ngunit ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.” Nilinaw din ni propeta Isaias ang malagim na kakahinatnan kung pababayaan natin ang pagkalat ng kasinungalingan sa lipunan, “Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkatiwalaan. Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig. Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan” (Isaias 59:14-15). Mahigpit na paalala ng Biblia: magkadikit ang bituka ng katotohanan at katarungan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .