6,370 guests

Isang Simpleng “Ambisyon”

  • Written by Alvin P Ang, PhD
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1131

Pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 5 na nagpapatibay sa “Ambisyon 2014” bilang long-term na blueprint ng bansa. Resulta ang “Ambisyon 2040” ng pambansang pagsasaliksik ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa kung ano ba ang goals at aspiration sa buhay ng mga Filipino pagsapit ng taong 2040.

Isa sa pangunahing resulta ng nasabing pagsasaliksik ay ang data na overwhelming majority o nasa 79.2% ng mga respondents ay nagnanais ng “simple at maginhawang buhay.” Tila ba ang pangarap ng mas nakararaming Pilipino ay napakababa at napakadali din na makakamit. Subalit ang “simple at maginhawang buhay” na ito ay tumutukoy sa lifestyle ng pagiging isang middle class. Ibig sabihin, nakapaloob dito ang pagkakaroon ng sariling bahay, kotse, at sapat na pera at ipon upang mapag-aral ang mga anak at makayanan ang ilang pagkakataon na makapaglibang tulad ng pagbyahe sa iba’t-ibang lugar.

Kung susuriin at pagbabatayan ang pinaka-latest na poverty statistics (as of 2015), ang “simple at maginhawang buhay” na ito ay hindi madaling makakamit. Bumagsak ang poverty rates ng bansa mula 26.6% na populasyon noong 2006 sa 21.6% noong 2015.  Noong 2006, upang makaahon sa antas ng kahirapan, ang minimum na kita kada isang tao ay dapat pumalo sa PhP13,357 sa loob ng isang taon. Tumaas ito sa PhP 21,753 nitong 2015.  Sa isang pamilya na may apat na miyembro, na siya ring average size ng pamilya sa buong bansa, kailangan nila ng taunang kita na nasa PhP 90,000 o sweldong PhP 7,000 kada buwan. Para sa mga kababayan nating nakatira sa urban areas o sa siyudad napakababa ng rate na ito. Pero, sa totoo lang, may 22% ng buong bansa ang hindi man lamang makayang kumita ng ganito kaliit.

Sa pagsasaliksik ng dating National Statistical Coordination Board (NSCB) Director General Romulo Virola sa 2009 Poverty Statistics, makikita na 75% ng mga pamilyang Pinoy ay kabilang sa matatawag na lower class. Hindi malayo na karamihan sa mga naging respondents ng “Ambisyon 2020” ay kabilang sa class na ito. Ipinapakita naman ng 2012 Poverty Statistics, kung ‘deciles’ ang pagtutuunan ng pansin, na ang pinakamayamang ‘decile’ ay may higit sa sampung beses na laki ng kita sa pinakamahirap na ‘decile.’ Ipinapakita rin ng chart na ito na ang pagkakaiba ng ‘income’ ng mga nasa una  hanggang ika-limang ‘decile’ ay hindi malayo sa isa’t-isa. Ito marahil ang mga naghahangad na magkaroon ng Middle Class lifestyle.

Magkano ang kinakailangan upang maabot ang lifestyle na ito? Ayon sa tantiya ng NEDA, kakailanganin ang PhP 120,000.  Sa ngayon, ang minimum required monthly income upang ma-qualify sa car loan ay nasa PhP 40,000 para sa isang sasakyan na nagkakahalaga ng PhP 600,000 car at payable in 5 years. Para naman sa isang matinong bahay na nagkakahalaga ng isang milyon, requirement ng PAG-IBIG Fund ang at least ay monthly income na PhP 30,000 upang mabayaran ito sa loob ng 30 taon. Kung idadagdag natin dito ang gastusin sa edukasyon ng dalawang bata at paglilibang maaaring mag-total ito sa  PhP 10,000 kada  buwan. Pero kailangan pa itong dagdagan ng taxes at maiimpok. Samakatwid, para sa isang pamilya na may apat na miyemro, kakailanganin nila ang higit sa PhP 100,000 kada buwan upang maabot ang basic qualifications ng isang Middle Class lifestyle. Ibig sabihin, kailangan nating i-taas ang buwanang sweldo ng mga taong “just above the poverty line” ng labinlimang beses (15x) upang ito’y mangyari!

Syempre, hindi ito magagawa ng mabilisan. Marami munang kailangang magbago sa ating bansa. Per income level ang maaaring dapat na isagawang intervention. Maaaring mag-prioritize muna ang ating mga pinuno at unahin ang mga nakasadlak sa kahirapan. Phase 1 ay dapat siguruhing makakaahon sa hirap ang mga tao. Phase 2 ay dapat hadlangan ang mga naka-ahon na muling malaglag sa kahirapan. Kadalasan kasi ang mga nakakaahon sa hirap ay nagmamadaling magkaroon agad ng Middle Class status. Sa data ng World Bank, nasa 10% lamang ng mga Pilipino ang may bank account at nanatiling maliit ang nag-iinvest sa financial assets. Malaki ang pwedeng maging papel ng financial literacy upang ito’y ma-solusyunan. Mahalagang ibigay din ng gobyerno ang isang environment kung saan ang mga may ambisyon ay magkaroon ng pagkakataong umahon.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga sa 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento mag-text sa 0928-364- 2090.