8,394 guests

Kaso

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1703

Nitong nakaraang linggo, sunod-sunod na pumailanlang sa mga balita ang mga hearings sa Senado at mga isinasampang kaso na kaugnay ang mga opisyal ng gobyerno.

Inihain na sa House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno at COMELEC Chairman Andres Bautista. May niluluto ring impeachment complaint ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption o VACC laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales. Naghihintay na lamang ito ng endorsement mula sa mga mambabatas. Kung tutuusin, isa itong napakaselan na sitwasyon dahil mismong mga opisyal ng pamahalaan na naatasan at ginawaran ng kapangyarihan na magpatupad ng hustisya ang siya ngayong humaharap sa akusasyon ng paglabag sa batas at sa Konstitusyon.

Sa Senado, patuloy namang naging mainit ang pag-uugnay ni Sen. Antonio Trillannes sa presidential son na si Paolo Duterte sa drug industry. Sa pagtakbo ng mga araw, palalim ng palalim ang mga akusasyon at tila ba nawawaglit na sa isip ng mga nanonood na sambayan ang dahilan ng isinasagawang hearing ng Blue Ribbon Committee ng Senado. Ang mga imbestigasyon na nagaganap ay hindi upang maglatag ng kaso at mapatunayanga nagkasala ang akusado. May ibang mas nararapat na venue para dito. Kung may anomalya at nararapat na sampahan ng kaso, dapat gawin ito sa kaukulang korte na didinig ng reklamo (proper courts, ika nga ng mga abugado). ‘In aid of legislation’ ang layunin ng mga hearings sa Senado, ibig sabihin, pagbuo ng mga kinakailangang batas at hindi grand standing ng mga nagtatagisang pulitiko ang siyang dapat maging benepisyo at serbisyo nito sa publiko.

Kung susundan ang mga kaganapang ito sa ating bansa, hindi malayo ang panghinaan ng loob at mag-dalawang-isip kung may pag-asa pa nga bang gumulong ng maayos ang hustisya sa bansa. Ang paalala ng Biblia, may hustiyang higit sa maibibigay ng umiiral na sistema ng human justice. Sa aklat ng mga Awit (58), mapait subalit may pag-asang tinuran ni Haring David ang mga sumusunod:

  1. Tama ba ang hatol ng mga pinuno?  Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
  2. Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas pawang karahasa't gawaing di tama.
  3. Iyang masasama sa mula't mula pa, mula sa pagsilang ay sinungaling na.
  4. Sila'y makamandag, ahas ang kaparis, katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
  5. Itong mga tawak at salamangkero, di niya dinirinig, hindi pansin ito.
  6. Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon, alisin ang pangil niyong mga leon.
  7. Itapon mo silang katulad ng tubig, sa daa'y duruging parang mga yagit.
  8. Parang mga susô, sa dumi magwakas, batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
  9. Puputulin silang hindi nila batid, itatapon ng Diyos sa tindi ng galit; bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
  10. Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap; pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
  11. Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;  tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”

Ang awit na ito ay isang babala sa mga nagnanais na bumaluktot at lumusot sa pamantayan ng tamang hustisya. Isa rin itong bukal ng pag-asa sa mga mapagkakaitan ng tamang paglilitis at mapaparatangan ng kapos sa nararapat na batayan. Sa huli, may nag-aantay na Hukom na siyang lilitis kapwa sa ordinaryong tao,  sa mga nakaupo sa posiyon, at maging sa mga hukom. Ito ang hukumang binubuksan ng Biblia sa mga sitwasyong tila ba pinaglalaruan lamang ang hustisya.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..