6,370 guests

Moot & Academic Na Imbestigasyon

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1328

Nakakalungkot ang nagiging response ng ilan sa ating mga kababayan na sumusubaybay sa hearing na isinasagawa ng Senado at Kongreso. Hindi iilan ang nag-aaway lalo na sa social media sa pagnanais na ipagtanggol ang tila ba sa paningin nila ay mga inosenteng bayani na walang patumanggang sinisiraan at pilit na ibinabagsak.

Subalit tila ba there is no point na ipagtanggol si Presidente Duterte at maging si Senadora De Lima. Maging anupaman ang kahinatnan ng imbestigasyon o ‘inquiry in aid of legislation,’ tila kumbinsido naman na ang mas nakakaraming Pilipino sa mga sumusunod na bagay:

Si Presidente Duterte ang maituturing na ‘anino’ na nasa likod ng mga sinasabing death squads ni Matobato at samu’t-saring patayan na nagaganap dahil sa mga ito. Hindi man masabing direkta siyang may kinalaman sa operasyon ng mga grupong ito, hindi lingid sa lahat ang katotohanan na matagal ng ipinangako ni Presidente Duterte na kung siya ay mauupo sa pwesto, tiyak na dadanak ang dugo. Bago pa siya maluklok sa Malacanang, at sinasabi din ng ilan na kaya nga siya nanalong pangulo, ay dahil sa pangako niyang pupuksain ang lahat ng masasamang elemento sa lipunan. Ang nangyayaring malagim na kabi-kabilang patayan na sinasabing gawa ng mga death squads ay ang maliwanag na katuparan ng pangako niyang ito.

Para naman kay Senadora De Lima, tila ‘moot and academic’ (ika nga ng mga abogado) ang ginagawang imbestigasyon kung nakinabang siya o hindi sa drug operation sa Bilibid prison. Ito ay sa kadahilanang bilang puno ng Department of Justice, katungkulan niya na siguruhin na maipapataw ang pinakasukdulang karampatang parusa na pinapayagan ng batas para sa mga drug lords at drug pushers sa bansa–ang pagkakakulong. Ito na sana ang tanging maaasahang hustisya ng mga naging biktima ng drug mafia. Bilibid na sana ang ‘proof’ upang masabing ‘justice is at work’ sa ating bansa. Subalit anong nasaksihan natin? Sa anim na taong siya ay naka-upo bilang Secretary of Justice, nagkaroon ng private hotels, media network, headquarters, at iba pa ang mga drug lords sa loob mismo ng maximum security compound ng Bililbid. Namayagpag ng husto ang industriya ng droga at mismong sa loob pa ng Bilibid nag-opisina ang mga operators nito. Bukod dito, naging makapangyarihan ang mga drug lords maging sa pagpapatakbo ng pang-araw araw na buhay ng mga preso.

Ang malinaw sa lahat ng ito, nilapastangan, niyurakan, at pinagkatuwaan ng mga drug lords ang ating justice system. Marami ang nagsasabi na ‘wag patayin ang mga drug lords at sa halip ay pairalin ang dikta ng batas –ipiit sa Bilibid kung nagkasala. Tutulan ang extra judicial killings at ang proposal na muling pagbuhay sa ‘death penalty.’ Sa alingawngaw ng mga panawagang ito magandang pag-isipan ang katagang binitiwan ni Chief PNP Bato dela Rosa, “Paano po namin ikukulong yung drug lord na nakakulong na?”

Sa huli, sa banggaan ng mga higante kung saan mga maliliit na langgam ang naiipit, wala tayong maituturing na ganap na ‘bayani,’ kahit maging mismo sa hanay nating nagmamasid at nanonood na ‘miron’ sa madugong Coliseum ng makabagong panahon.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364-2090.