5,106 guests

Numbers Game?

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 819

73% ng mga Pilipino ay naniniwalaang may nangyayari kaso ng extra-judicial killings (EJKs) sa bansa habang isinasakatuparan ng mga alagad ng batas ang giyera laban sa droga. Ito ang datos mula sa pinakahuling national survey na isinagawa ng Pulse Asia (Setyembre 24-30, 2017). Sa kabila ng patuloy na pagtanggi ng Philippine National Police (PNP) na may EJKs na nagaganap, bumaba sa 20% lamang ang porsyento ng mga hindi naniniwala na may patayang nagaganap sa mga police operations. Dagdag pa ng Pulse Asia, 94% ng mga Pilipino ay nabalitaan ang naging pagpatay kay Kian delos Santos ng mga pulis Kalookan. 76% ay nangangamba na sila o kakilala nila ay maaaring humantong din sa kaparehong tadhana.

Sa kabila nito, nanatiling mataas ang pagsuporta ng sambayanan sa war on drugs. Ayon din sa  datos ng uncommissioned survey mula sa Pulse Asia, 88% ng mga Pilipino ay suportado ang war on drugs ng pangulong Duterte at 2% lamang ang nagsasabing sila ay kontra dito. Pinakamataas na marka ang nakuha mula sa Mindanao (94%), 88% sa kalakhang Luzon, 85% sa Visayas, at 84% naman sa National Capital Region (NCR). Consistent ang suportang ito mapayaman o mahirap kung saan hindi bababa sa 80% ang marka mapa-class A hanggang class E.

Kung titingnang mabuti, tila ba may kabalintunaan ang dalawang datos. Kumbinsido ang marami na may namamatay ng hindi nararapat sa war on drugs subalit matibay pa din ang suporta na ituloy ang kampanya ng gobyerno. Paano natin ito pwedeng unawain?

Maaaring makakuha tayo ng liwanag sa isa pang survey na isinagawa naman ng Social Weather Station (SWS) sa halos kasabay na period (Setyembre 23-27, 2017). Ayon sa datos ng SWS, 76% ng sambayanan ay nagsasabing “napakahalaga” na mahuli ng buhay ang mga suspek sa kalakalan ng illegal na droga. Kalahati (51%) ang hindi naniniwala na walang kakayahan ang adik na magbago. Halos hati naman ang opinyon ng mga hindi mapalagay (20%) at naniniwalang wala ng pag-asang magbago pa ang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot (28%).

Sa kabila nito, lumabas sa report ng SWS na sa kabuuan, ‘satisfied’ ang 77% ng mga Pilipino sa ginagawang hakbang ng gobyerno upang sugpuin ang kalakalan ng illegal na droga sa bansa. 14% lamang ang nagsabing sila ay ‘hindi satisfied’ sa ginagawa ng administrasyong Duterte. Ayon sa SWS, naka-angkla diumano ang nanatiling mataas na satisfaction rating na ito sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga drug addicts sa mga komunidad. Ayon sa datos ng nasabing report, 71% ng mga Pilipino ang nagsasabi na mas kaunti na ang mga adik sa kanilang lugar. 12% ang nagsabi na tila wala namang nagbago, at 9% lamang ang may kontrang pananaw.

Ipinapakita ng mga sets ng survey data mula sa Pulse Asia at sa SWS na suportado ng mamamayan ang kampanya ng pangulo laban sa industriya ng illegal na droga. Tulad ng paliwanag ni Sen. Panfilo Lacson ng tanungin siya patungkol sa mga datos na ito, tila nauunawaan ng nakararaming Pilipino na may mga irregularities sa pagsasagawa ng kampanya ng pangulo. Subalit nanatiling malakas ang pulso ng sambayan: tuloy ang laban. Pero, dalhin sa husgado ang mga suspek at ‘wag naman idiretso sa sementeryo. Sa madaling sabi, ‘g’ lang sa digmaan, hindi sa patayan.

Malinaw kung saan itinataya ng sambayanan ang kanilang baraha. Pangalawang round na nga ito kung tutuusin. Una ay noong Mayo 2016 kung saan ibinoto nila ang isang pangulong nangakong digmaan ang paraan niya ng pagsawata sa illegal na droga. At ngayon, sa pangalawang pagkakataon, matapos makita ang malagim na mukha ng digmaang ito, muling tumataya ang bayan. Pero, this time, hangad nila na bigyan ang digmaang ito hindi lamang ng integridad kundi ng puso para sa bawat tao.

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.