8,053 guests

Paanong Makaipon sa Bagong Taon

  • Written by Alvin Ang, PhD
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1245

Matatapos na naman ang isang taon. Heto tayo babalik sa katotohanan na hindi pang dalawang linggo lamang ang tinanggap nating bonus.  Mayroon pang limampung linggo bago ang susunod na pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.  Paano nga ba makakapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon na sapat at may natitira pa para sa buwan ng Enero?

Sa mga nagtatrabaho, ang susunod na sweldo ay sa ika-15 pa ng papasok na buwan.  Kung naitodo ang gastos, malamang hanggang Bagong Taon laman ang budget. Ibig sabihin nito, papasok ang Enero na may bitbit agad na utang.

Narito ang ilang paalala upang tayo at makapagsimula sa Bagong Taon na may ipon at handing-handa sa mga gastusin at hindi nabibigla.

Una, tandaan na ang pag-iipon ay nakasalalay sa kagustuhan at sapilitang desisyon, hindi kung may natitira lamang pagkatapos maiwas lahat ng gastos.  Ang tamang pormula ay ‘Kita’ bawas ‘Ipon’ = ‘Gastos’ at hindi ‘Kita’ bawas ‘Gastos’ = ‘Ipon’.  Samakatuwid, dapat nag-iipon muna bago tayo gumagastos.  Sa mga Kristiyano, kasama din dito ang kaagad na paglalaan para sa mga handog at ikapu para sa Diyos. Pangalawa, pagplanuhan ang bawat ginagastos.  Alam naman natin na may regular at occasional (o pansamantalang) gastos.  Dapat ay natutukoy natin ang mga ito ng maayos.  At pangatlo, iwasang utangin ang budget para sa mga bagay na kinokonsumo tulad ng pagkain at mga bagay na ginagamit sa araw-araw tulad ng kuryente at tubig.

Paano epektibong maisasagawa ang mga ito?  Una, kailangan na ang buong pamilya ay maglista ng kanilang kita at gastos sa araw-araw.  Bumili ng maliit na notebook o kaya ay gamitin ang cellphone upang ito ay mai-record ng maayos.  Sa loob ng isang buwan, upuan at pagsamasahin ang kita at gastos upang malaman ang inyong kabuuang buwanang kita at gastos.  Pagkatapos niyan ay mag-desisyon kung gaano kalaki ang iipunin o gagastusin.  Planuhin din ng mabuti ang mga malaking gastos at lakipan din ito ng panalangin.

Kung mauumpisahan natin ang mga nabanggit ngayong Bagong Taon at magiging consistent tayo sa pagpapatupad nito, makakasa tayo sa isang malayang pinansyal na kalagayan sa taong 2017. Paalala sa atin ng Bibliya sa Kawikaan 13:11,

 

"Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala,

ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala." (MBB)

 

“Wealth from get-rich-quick schemes quickly disappears;

wealth from hard work grows over time.” (NLT)

 

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364-2090.