6,339 guests

Pandikit sa isang bansang punit

  • Written by Journal Online
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 756

Sunod-sunod ang maiinit na pangyayari. Palihim na nailibing ang dating Pangulong Marcos. Nag-walk out sa klase ang mga studyante upang iprotesta ang tila ba pagyurak sa alaala ng EDSA. Ibinalik sa Pilipinas ang hinihinalang drug pusher na si Kerwin Espinosa. At nitong linggo ay napakinggan na ng sambayanan ang itinuturong bagman at kumpirmadong karelasyon ng Senadora Leila de Lima.

Tila magkakaibang mga balita. Pero kung titingnan nating mabuti magmimistula itong mga dagdag na panggatong sa isang umaatikabong teleserye. Mga bagay na lalong magpapa-apoy sa bangayan sa social media. Dikit na dikit ang sambayanan sa mga isyung pampolitika at handang itaya sa laban, maging ang kanilang mga kaibigan. Hati ang bayan at hindi alintana ng marami na patuloy na tumataas ang pader sa pagitan ng bawat isa sa bawat palitan ng maaanghang na salita. “Ah, anti-Marcos, ka? Di ka marunong magpatawad. Dun ka sa kabila!” “Oh, pro-Duterte ka, masama ang budhi mo, wag ka dito.”

Sa gitna ng social calamity na ito na patuloy na pumupunit sa ating bansa, may pag-asa ba tayong muling makausad? Kung susundan natin ang tinatahak na landas ng laban ng magkabilang panig, huhupa lamang ang alitan kapag tuluyang naigupo ang isa sa magkatunggali. Pero sa isang sitwasyon na hindi monopolyo ng isang panig ang katotohanan maging ang pagkukulang, hindi simpleng pagpanig sa mabuti at paglaban sa kadiliman ang magiging solusyon.

Nakakalungkot na marami ang nag-aakala na upang maipakitang sila ang nasa tama, nangangahulugan muna itong ipagdiinan na mali ang iba. Mahalagang maalala natin na may mga pagkakataon sa ating buhay na ang mas akmang gawin ay hindi ang piliin kung mas matimbang ang puti sa de kolor kundi ang ipaalala sa bawat isa na magkaiba man ang kanilang kulay, pare-pareho silang labada at kapwa kasama sa iisang palanggana. Walang masama na tindigan ang pananaw na iyong sinasang-ayunan. Subalit kasinghalaga nito ang bigyan ng puwang ang ibang tao na magkaroon ng kakumpitensyang opinyon. Sa paghahangad natin ng pagkakasundo, mahalagang bigyang puwang ang ‘di pagkakasundo.

Sa mga komplikadong pagkakataon na tulad nito maaaring maging napakahalaga ng papel na pwedeng gampanan ng mga taga-sunod ni Kristo. Bilang isang kalipunan ng mga indibidwal na ang pinakamalalim na batayan ng pagsasama-sama ay ang pagiging buklod ng pag-ibig ng Diyos, napalaki ng taglay nilang potensyal upang magpamalas ng pagkakaiba-iba kaalinsabay ng pagkakaisa. Sa mismong unang mga alagad, napagsama-sama ni Kristo ang rebelde, taong-gobyerno, mukhang pera, walang pera, may mataas na pinag-aralan, simpleng mangingisda, amo at alipin. Batid nilang ang grasya ng Diyos ay lalong nagiging matingkad hindi sa panahon ng pagkakasundo, kundi sa panahon ng hindi pagkakasundo. Ang Katawan ni Kristo sana ang maaaring pagmulan ng kislap ng pag-asa na walang pagkakahati na hindi kayang pagtagumpayan lalo pa’t umiiral ang diwa ng sakripisyo, pagpapatawad, pagtanggap, ibayong pag-unawa sa kalalagayan ng kapwa, at wagas na paniniwalang nasa kamay ng Diyos ang pagbabago ng tao. Bukod pa rito, taglay ng simbahan ang ‘ministry of reconciliation’ (II Corinto 5:18) at ang mensahe na muling binubuklod ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa (Colosas 1:20).

Tunay nga na bulag ang hustisya at handa nitong sagasaan ang sinuman. Subalit ang grasya ng Diyos ay may kakayahang makapagmumulat sa ating mga mata sa mga taong di natin ipinagpapalagay na karapat-dapat tingnan. Ito sana ang landas na maaaring maging alternative sa nagiging madugong pakikitungo ngayon ng magkakalabang panig sa ating bayan. Masyado nang marami ang nagko-contribute sa tunggalian. Kailangan ng ating panahon ng mga taong magsisilbing pandikit sa mga grupong hindi magkalapit.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga sa 702 DZAS (AM)-FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it./ 0928-364-2090.