6,364 guests

Pasko at Politika sa Pilipinas

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 500

Sa kabila ng maiinit na isyu, tuloy pa rin ang pagdiriwang ng pinakamahabang season ng kapaskuhan sa buong mundo. Kung tutuusin, tila isang magandang regalo ng langit sa Pilipinas ang panahong ito. Magkakaroon ang sambayanan ng pagkakataon upang sandaling mag-break sa bangayan sa araw-araw na balita. Muli ding magkasama-sama ang mga taong pinaghiwalay ng magkakalabang pananaw sa politika. Maganda ang paalala ni former US President Barrack Obama sa kanyang farewell speech, “We have to remember that we’re actually all on one team.” Dito sa ating bansa, madaling makalimot na tayo ay nasa iisang bangka lalo na kapag nasa kainitan ng pagtatanggol sa political side na ating kinabibilangan.

Ngayong Pasko, ipinapaalala sa atin kung paanong tayong lahat ay bahagi ng isang sangkatauhan na kapwa nangangailangan ng kaligtasan sa samu’t-saring malalagim na bagay kung saan marami dito ay tayo din mismo ang may kagagawan. Maging si PNP Chief Ronaldo dela Rosa ay nagpahayag ng ganitong Christmas message, “The Christmas gift we’re wishing for policemen is prayer for the Lord’s forgiveness. Even if those who have died are bad, they are still people, they are still human beings and they still deserve to live and we have no right to take their lives.” Ngayong Pasko, maging simula sana ito ng pagpapalambot ng ating puso at pagkilala kung paanong ang bawat isa sa atin ay may pagkukulang sa isa’t-isa.

Mula noon at magpasa-hanggang ngayon, hatid ng Pasko ang mensahe ng pag-asa na ang buhay ay pwedeng magkaroon ng panibagong panimula. Magandang balita ito mapa-adik, drug lords, politikong nakikinabang sa illegal drugs, o maging sa nakaaway mo sa Facebook. People deserve a chance to change.

Ang mga parol, belen, at iba pang palamuti ngayong pasko ay isang matingkad na paalala sa isang mundong madaling makalimot na gaano man kadilim, kapait at kapangit ang tingin natin sa paligid, nanatiling totoo na “Immanuel” ibig sabihin “kasama natin ang Diyos” (Mateo 1:22). Magandang balita ito lalo na sa mga naging biktima ng EJKs at sa mga pamilyang naiwang balot ng takot at trauma. Masamang balita naman ito sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno at alagad ng batas na nanamantala tulad ni Haring Herodes. Kasama nila ang Diyos at tiyak na hindi sila tantanan ng kanilang konsyensya.

Sa pagsilang ng sanggol na si Hesus sa sabsaban, binuksan ng Diyos ang isang bagong landas para sa ating mundo. Isang buhay na malaya sa pagiging para lamang sa may kayamanan, may kapangyarihan, at sa may pangalan sa lipunan. Mga description ito na hindi nalalayo sa mga ibinoboto nating politiko. Madali nating mailagay sa kamay nila ang pag-asang guminhawa at umunlad ang ating bansa. Subalit wala sa kanila ang susi ng kaligtasan sa buhay na ito o maging sa kabilang buhay, kaya’t magdalawang isip din tayo na makipagpatayan para sa kanilang kapakanan. Tandaan natin, na sa politika, “there are no permanent enemies and friends, only permanent interests.”  Ang maiiwang kasama natin ay ang ating mga kapamilya at kaibigan. Mas dapat natin silang pahalagahan.

Ngayong pasko, ibigay natin sa kanila ang regalong hindi kayang bilhin sa anumang tindahan subalit taglay ng sinumang nagsasabing ang Hesus ng Pasko ay buhay sa kanyang puso. Ito ay ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,  kaamuan, at pagpipigil sa sarili (Galatia 5:22-23).” Ito ang mga bagay na kung magagawa nating ipagkaloob sa bawat isa, magkakaroon tayo ng bansang higit na masaya at makulay kahit matapos man ang Pasko.

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.