6,104 guests

Pelikula Para Sa Kamalayan at Pag-asa

  • Written by Ian De Ocampo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1296

Hinuhubog tayo ng ating mga paboritong kwento.

Malaki ang impluwensiya ng mga ito sa ating imahinasyon, sa ating mga pinapahalagahan, sa ating mga pangarap, at maging sa ating pananaw sa buhay. Kasama na sa mga kwentong ito ang mga pelikulang pinapanood natin. Kung tutuusin, sinehan ang isa sa pinakalaganap na medium na pinanggagalingan ng ating mga kwento.

Ito ang dahilan kung bakit mahalagang pag-isipan ang isyu patungkol sa Metro Manila Film Festival o MMFF sa taong ito. Matatandaan na sunod-sunod nagbitiw sa pwesto ang ilan sa mga Executive Committee (ExeCom) Members ng MMFF. Sabay-sabay naglabas ng pahayag sina Ricky Lee, Rolando Tolentino, at Kara Magsanoc-Alikpala. Ayon sa kanila nagbitiw sila dahil sa pagbago ng direksyon ng ExeCom na mas bigyan ng halaga ang komersyo kaysa sa kalidad at sining. Malaking porsyento ang ibinigay sa Commercial Value sa inilatag na 2017 criteria ng MMFF. Sa madaling salita, kailangang patok at madaling ibenta ang mga pelikulang lalahok sa MMFF.

Mahilig ang mga Pilipino sa mga kwento na nagbibigay aliw sa mga manonood. Mula pa noon, ang maaliw ang hinahanap ng mga Pilipino sa mga dula at pelikulang dinudumog nila sa teatro. Mahilig tayo sa aliw na maibibigay ng mga mahabang labanan tuwing komedya, tawanan at iyakan sa senakulo, kantahan sa sarswela , at mga madamdaming kwento ng pag-ibig sa mga drama. Ang mga palabas na nakakaaliw ang patok sa karamihan at sinakyan ito ng mga prodyuser ng pelikula upang kumita. Ang aliw ay mahalagang bahagi ng buhay at sining. Totoong hindi ito dapat mawala sa mga pelikulang pinapanood natin. Pero kung aliw lang ang naibibigay ng pelikula, ito ay nagsisilbing pagtakas lang sa realidad. O dili kaya’y  palabas na walang halaga at bumubulag sa manonood sa katotohanan ng mga problema sa lipunan. Sabi nga ni Nicanor Tiongson sa aklat na ‘Kritikal na Espasyo ng Kulturang Popular,’ “Kung opyo ang simbahan para sa mga ‘Indio’ noong panahon ng Kastila, opyo ring matatawag ang sinehan para sa ating mga kababayan ngayon, bagama’t ang huli’y higit na malakas pagkat higit itong laganap at kagiliw-giliw.”

Sa kamay ng negosyante, posibleng magamit ang pelikula sa paggawa ng ilusyon ng masaganang lipunan. Tulad na lamang sa pag-kontrol ng imahinasyon na ginagawa ng mga diktador at mga imperyo sa kasaysayan sa pamamagitan ng relihiyon. Maging sa Biblia, makikita ito sa kwento ng mga masasamang hari kung saan kontrolado nila ang relihiyon sa sentralisadong templo. Bago naitayo ang magarang templo sa Jerusalem, madaling lapitan ang Dios sa Tabernakulo. Pero dahil sa paggawa ng templo, naging monopolyo ng hari ang imahinasyon ng pananampalataya, at nagamit ito para manatili ang kaniyang hawak sa kapangyarihan. Pero ayon kay Walter Brueggemann, isang respetadong scholar ng Old Testament sa Biblia, sa panahong iyon ipinadala ng Panginoon ang mga propeta para muling palawakin ang imahinasyon ng mga tao. Gumamit sila ng kwento, tula at iba’t-ibang uri ng sining upang buksan ang mga mata ng mga tao sa maling sistema na nagaganap sa kanilang lipunan, at ituro sila sa tunay na pag-asa.

Tulad ng mga sining na ito na ginamit ng mga propeta noon, ang pelikula ay may kakayahan din na magbukas ng isipan sa ating makabagong panahon. Higit na makapangyarihan ito kaysa sa ibinibenta ng mapang-aping sistema na umiiral sa ating mundo. Lalo’t higit na kailangang matutunan ng mga producers ng pelikula sa ating panahon na ma-ipagsama ang aliw at sining. Ito ang siyang susi upang mabuksan ang kamalayan ng mga manonood patungo sa tunay pag-asa na hindi limitado sa hulma ng mundo kundi naaayon sa kalooban ng Diyos at ng kaniyang kaharian (Roma 12:2).

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..