6,161 guests

Ai-Ai, bumigay sa victory party ng ‘Yaya’

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 179

BUMIGAY si Ai-Ai de las Alas nang makanti ang panahon na gusto na niyang mag-quit sa showbiz at manirahan na sa Amerika.  

Napalitan ng iyak ang masayang mensahe niya sa media at Regal producers, Mother Lily and Sis Roselle at Regal staff, sa victory lunch para sa blockbuster movie niyang Our Mighty Yaya.
    
Three or four years ago, ayon kay Ai-Ai, dumaan siya sa maraming pagsubok. Namatay ang biological mother niya, flop ang ginawang pelikula at nahiwalay sa asawa.
    
“Lahat ’yon, sunud-sunod na nangyari. So, sabi ko sa sarili ko, may nagawa ba akong hindi maganda? So, masamang kuwestiyunin si Lord, ’di ba? ’Pag nasasaktan ako nu’ng time na ’yon, natanong ko siya. ‘Lord, bakit? Ano ang nagawa kong masama at nangyari sa akin ito?’
    
“Parang hindi ako inaksyunan dahil ito ’yung sagot. ‘Anak, maghintay ka lang at ibabalik ko sa ’yo sa tamang panahon,” pahayag ni Ai-Ai.
    
Feeling niya nu’ng panahong ’yon, hindi na siya makakabalik pa. Bumili siya ng bahay sa Amerika para doon na manirahan at mag-retire.
    
“Dapat hindi na ako mag-aartista after ng nangyari sa career ko at sa family life ko. Pupunta na lang ako ng Amerika. Doon na  lang ako sa mga anak ko. Until ipinatawag ako ng APT (Entertainment). Si Boy (Abunda) ang kumausap at sa GMA at nag-Sunday PinaSaya ako.
    
“Tinanong ko si Boy, ‘Ama, bakit kayo nag-usap ni Chairman (Tony Tuviera ng APT). Sabi niya, ‘Alam kong ayaw mo na pero may tiwala ako sa ’yo. Naniniwala ako sa kakayahan mo,” garalgal na kuwento ni Ai-Ai habang naiiyak na.
    
Dugtong niya, “‘Ayokong huminto ka dahil marami ka pang ilalabas,’ sabi niya. Kasi nawalan na ako ng kumpiyansa sa sarili ko. Nandiyan din si Mother, si Roselle, na naniniwala pa rin sa akin.
    
“Bakit ako emosyonal? May tumutulong pa rin kasi sa akin para manatili ako sa showbiz,” paliwanag ni Ai-Ai.
    
Sumingit si Mother after umiyak ni Ai-Ai. Hindi rin niya maitago ang kanyang emosyon.
    
“You know, Ai-Ai, thank you for making me rich! I’m rich again,” deklara ni Mother.
    
“Totoo ’yon. Hindi ko lang nilalabas. Wala akong paglalabasan. Okay lang na ikuwento ko na dapat, titigil na ako sa pag-aartista,” saad naman ng comedy queen.
    
Sa loob ng isang linggo, kumita ng P35M ang Our Mighty Yaya.
    
Kaya naman si Mother, nakaisip muli ng konsepto tungkol sa mga ina, lalo na ’yung nasa ibang bansa.
    
“Gusto ko, gumawa ng Mother’s Day story sa Amerika o sa ibang bansa. Basta ’pag Mother’s Day, gustung-gusto ng mga taong nanonood tungkol sa mga mother,” chika ng Regal producer.
    
Sa pagpatok ng Our Mighty Yaya, pila na ang producers na gustong kunin si Ai-Ai.
    
Pero bibigyan daw niya ng priority ang Regal na nagtiwala pa rin sa kanya bilang comedy queen at box-office queen.