6,064 guests

Coco, tumangging maging presidente ng Actors’ Guild

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 509
Coco Martin Coco Martin

Inamin ni Coco Martin na inalok siya ni Rez Cortez para maging pangulo ng Actors’ Guild o Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT) pero magalang niya itong tinanggihan.

“Nilapitan ako ni Tito Rez,” kwento ni Coco, “gusto niya akong patakbuhin bilang presidente ng Actors’ Guild kaso nga po, sabi ko, ‘napakabata ko pa po, baka hindi ko magam-panan.’

“Sabi ko, ‘ayoko na-man pong masira ’yung pangalan ko, masira sa mga kasamahan kong artista,’ sabi ko, ‘kung ano na lang po ’yung makakayanan kong maitulong.’ And then, sa pamamagitan po ng FPJ’s Ang Probinsyano, ito po ’yung nagiging daan ko para makatulong sa industriya natin.”

Para kay Coco, hindi naman kailangan ng posisyon para makatulong sa industriya natin. At may punto naman siya dahil katulad nga ng ginagawa niya ngayon sa FPJAP, napakarami nang artistang nabigyan niya ng trabaho sa loob ng dalawang taon nitong pagsasaere.

Aminado si Coco na fan siya ng mga beteranong artistang pinapasok niya sa serye at ito ’yung mga artistang gusto niyang makatrabaho noon pa.
    
“Noong bata ako talaga, tagahanga ako ng mga taga-pelikula. Syempre, ’yung mga hinahangaan mo, pangarap mo ’yung makatrabaho balang-araw.
    
“And then, ’yon ’yung naging ano sa akin, na talagang ’yung mga taong hinahangaan ko noong bata ako na napapanood ko, parang pinapangarap ko rin na makatrabaho sila.
    
“At ngayon, nabigyan ako ng opportunity dahil nga part ako ng creative (ng FPJAP), nakakapag-suggest po ako. And then, ’yung sina-suggest ko naman, naaaprubahan naman po ng buong management,” pahayag ni Coco.
    
At hindi lang naman ang mga beteranong artista ang natutulungan ni Coco sa FPJAP kungdi pati na rin ang mga baguhan. Napakarami nang nabigyan ng break ng serye na talagang walang-walang pangalan pero ngayon ay sikat na sikat na tulad nga nina Onyok at Awra Briguella.
    
Ayon kay Coco, ang pagbibigay niya ng break sa mga baguhang artista ay parang pagbabalik lamang din sa oportunidad din naman na ibinigay sa kanya ng mga taga-industriya noong time na siya naman ang nagsisimula.
    
“Ito na siguro ’yung tamang timing, tamang pagkakataon para ako naman ang makapagbigay sa kanila ng oportunidad para makapagbukas ng pinto,” pahayag ng Kapamilya Primetime King.