4,529 guests

Fearless forecast... Sharon, magwawaging best actress sa Cinemalaya

  • Written by Lito Mañago
  • Published in Showbiz
  • Read: 127
Sharon Cuneta Sharon Cuneta

NGAYONG gabi na ang culmination ng 10-day Cinemalaya Independent Film Festival & Competition. Ang awards night ay gaganapin sa Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater) ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Nakumpleto na rin namin finally ang siyam na official entries last night. Magkasunod naming pinanood ang Requieted nina Jake Cuenca at Anna Luna at Ang Pamilyang Hindi Lumuluha nina Sharon Cuneta at Moi Bien.

Sa siyam na pelikulang kalahok sa tinaguriang premier indie film festival sa bansa, tatlo lang ang nagustuhan namin.

Sa tatlo, isa lang ang masasabi naming angat sa iba dahil sa pagkakahabi ng kuwento, ganda ng technical aspects ng movie, ensemble acting at husay ng direksyon.

Kung kami ang hurado, iboboto naming Best Film ang Respeto ni Direk Alberto Monteras, II at pinagbibidahan ito nina Abra (real name: Raymond Abracosa), Chai Fontanier, Dido de la Paz at marami pang iba.
    
Type din namin ang kasimplehan ng istorya ng Kiko Bongsingero nina Yul Servo, Yayo Aguila at Noel Comia, Jr.
    
Pasado na rin sa amin ang Ang Pamilyang Hindi Lumuluha, ang kauna-unahang Cinemalaya entry ng megastar. Nakakaaliw ang pelikula at ibang-iba si Sharon dito.
    
Sa acting department, ibibigay namin ang boto namin kay Sharon ang Balanghai trophy for Best Actress bilang isang desperate woman na hangad ay muling mabuo ang nasirang pamilya sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ni Mes de Guzman.
    
Mahigpit niyang makakalaban ang ilang indie veterans tulad nina Angeli Bayani (Bagahe), Angel Aquino (Sa Gabing Nanahimik Ang Mga Kuliglig) at Gina Alajar (Nabubulok).
    
Sa Best Actor, it's a toss between Abra (Respeto) at Noel Comia, Jr. (Kiko Bongsingero), although, nakalalamang sa amin ang fresh at subtle acting ng huli.
      
Kung mahusay sina Yul at Yayo, higit ang husay na ipinamalas ng dating The Voice Kids contestant. Given more projects, mahahasa pa ito nang husto. Kaiga-igaya rin siyang panoorin sa big screen. Feeling namin, wala siyang masamang anggulo.
      
Sa supporting category, nakalalamang sa amin si Moi, ang dakilang alalay o PA ni Piolo Pascual at artista rin sa nagsarang seryeng My Love From The Star ng GMA Network.
      
Ang husay ni Moi at hindi siya nagpalamon sa husay ni Sharon. Kung may kalaban man siya, tingin namin ay makakatunggali niya si Chai Fontanier na hinangaan din namin sa Patay Na Si Hesus na official selection sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
      
Hands down at frontrunner para sa amin bilang suporting actor si Dido de la Paz sa Respeto kung saan he plays a martial law poet who is struck in the past. Pakiramdam nga namin, pelikula niya ito.
      
Anything can still happen as we’re not a member of the jury. Kada taon, 2 foreign juries ang umuupo at 3 huradong Pinoy.
    
Sa pagpili ng winners, kani-kanyang taste lang ’yan. At kung kami ang mamimili, iluluklok namin sa honor roll ng Cinemalaya ang mga pangalan nina Sharon, Moi, Noel at Dindo sa 13th edition ng biggest indie film fest sa bansa.