6,069 guests

Kim, iwas na sa pagpapaseksi

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 357

NAGBABAWAS na ng pagpapaseksi si Kim Domingo. Gusto na niyang makatawid sa pangarap niyang maging drama actress gaya ng iniidolo niyang si Jaclyn Jose.

“Hindi naman sa inaalis ko na. Gusto ko lang makatawid sa gusto kong maging aktres,” rason ni Kim sa presscon ng Super Ma’am na pinagbibidahan ni Marian Rivera.
    
Dagdag niya, “Kasi kung hindi ko siya tinanggal, ‘Ay si Kim Domingo, Pantasya ng Bayan. Paseksi. Kumbaga, may dream din akong maging ganap na aktres talaga. Gusto kong mapunta doon. Goal ko kung paano tatagal sa industriya.”
    
Wala siyang masyadong paseksi sa SM. Aksyun-aksyunan naman ang drama niya.
    
“Nag-training ako ng aerial yoga at mixed martial arts din po,” saad niya.
    
Wala pa silang eksenang nagagawa ni Marian. Tanging noong pictorial lang sila huling nagkita.
    
Nadama raw niya kung gaano kabait ang GMA Primetime Queen kaya gusto niyang mapalapit kay Yan.
    
Pero ’di ba, naging malapit din siya kay Heart Evangelista na nakasama niya sa My Juan and Only?
    
“Nagkasama po kami. Mabait din po si Heart at wala akong masasabi sa kanya,” sey ni Kim.
    
Tapos, close na sila ni Marian?
    
“Ay hindi ko po puwedeng sabihin na ka-close! Kasi baka sabihin din po na masyado akong assuming. Pero sana dumating tayo sa puntong ganoon, hahaha!” bulalas ng Kapuso sexy star.
    
Wala pa silang fight scene ni Marian?
    
“Magkakaroon po kaya kinakabahan ako. Sabi ko bago kami magsimula, ‘Ate, hihingi na ako ng pasensiya.’ Kasi mamaya, baka magkatamaan,” katwiran ni Kim.

* * *

BUONG ningning na ipinagmalaki ni Lea Salonga ang achievement ng nag-iisang anak na si Nicole.
    
Napili kasi ang anak ni Lea sa cast ng stage musical play na Matilda The Musical. Hindi man lalabas na lead kundi bilang isa sa classmates ng bibidang si Matilda, tuwang-tuwa si Lea sa achievement ng anak nila ni Rob Chien.
    
“Word is finally out, and I couldn’t be happier! Congratulations, Nicole!!! #RobChien” tweet ni Lea.
    
Bale ito ang unang professional stage experience ng bagets although nakalabas sa school plays nu’ng five years old pa lang. Naging guest siya sa concert ng ina sa PICC, ang Lea Salonga’s Concert Playlist.
    
Mapapanood ang Matilda sa Meralco Theater sa November hanggang December.
    
“Like mother, like daughter” ang kantiyaw kay Lea sa pagpasok sa stage/theater world ni Nicole.