9,647 guests

Nazareno video ni Angeline, nag-trending

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 394

Sa presscon mamaya ng Foolish Love, ipapakuwento namin kay Angeline Quinto ang experience niya nang sumama sa Traslacion at umakyat pa siya sa andas para makalapit sa Black Nazarene at mahawakan ito. 

Ang hirap ng ginawa ni Angeline, kaya nagpasalamat ito sa mga umalalay sa kanya.

Pagbaba ni Angeline, pinalakpakan siya ng mga deboto at nang i-post ang video sa Instagram (IG), marami ang humanga sa lakas ng loob at lakas ng paniniwala niya.
   
May mga nega rin at akala’y gumigimik siya, ’yun pala, two years na niya itong ginagawa. Umabot na sa 111,802 views ang video.
   
Matanong din nga si Angeline ng reaction niya sa sinabi ni Direk Joel Lamangan, director ng Foolish Love, sa sinabi niyang mahusay na artista si Angeline.  Bukod pa sa nakikinig sa kanya at ’pag may hindi naintindihan, nagtatanong, higit sa lahat, hindi ito natakot sa kanya.
   
Sa January 25 na ang showing ng Foolish Love na in fairness sa Regal Films, hindi lang kina Angeline at Jake Cuenca ang focus ng promo.

Pati rin kina Tommy Esguerra at Miho Nishida, dalawa pa sa bida ng pelikula.

* * *

“Maraming salamat po!!!” ang sagot ni Barbie Forteza sa tweet ni Dingdong Dantes na “Welcome to the block #MeanToBe.”
   
Magkasunod ang shows ng dalawa, nauuna lang ang airing ng Alyas Robin Hood ni Dingdong at kasunod ang Meant To Be ni Barbie.
   
Parehong pumapalo sa ratings ang Alyas Robin Hood at Meant To Be na pati sa Kantar, panalo ang pilot episode nitong 14.1 percent.
   
Sa NUTAM ng AGB Nielsen TV Audience Measurement, nakakuha ito ng 16.8 percent rating.
   
Pati sa viewers, wagas ang pasasalamat ni Barbie at ng buong cast at may nakita kaming picture sa school habang wala pang klase, tutok sa cellphone at tabs ang mga estudyante para mapanood ang Meant To Be.
   
Tuwang-tuwa ang viewers sa rom-com series na inspired ng Meteor Garden dahil light, feel good at matutulog na nakangiti ang viewers.
   
Kanya-kanya ng ship ang fans kung sino kina Ken Chan, Ivan Dorschner, Addy Raj at Jak Roberto ang mas bagay at mas may kilig kay Barbie.
   
Aliw ang tsika ni Barbie na hindi niya kaya makipag-usap ng English 24/7 kina Ivan at Addy. Nauubos daw ang English niya, kaya humihingi siya ng time out at naglo-loading pa siya.
   
Natatawa na lang daw ang dalawa. Wala siyang problema kina Ken at Jak na parehong Pinoy, kahit buong araw silang magtsikahan.
   
Samantala, ang cast ng Meant To Be ang cover ng January issue ng Kapuso Magazine na ikatutuwa ng fans ng lima na makakakuha ng kopya nito.
   
May interview sa kanila para mas makilala lalo na sina Ivan at Addy.
   
Featured din ang new game show na People vs. The Stars at tampok si James Wright sa Philippine Fiesta sa Melbourne. 

* * *

Nakabalik na pala sa bansa si Mariel Rodriguez at ang baby nila ni Robin Padilla na si Baby Isabella.        
   
Nakunan ng mga litrato nang salubingin ni Robin sa airport ang kanyang mag-ina at touching ang eksenang lumuhod siya sa harap n Mariel at nakaluhod din ang aktor nang tingnan sa parang basket ang baby nila ni Mariel.
   
Maalalang hindi nabigyan ng US visa si Robin, kaya hindi nakasunod sa Amerika kay Mariel at wala siya sa tabi nito nang isilang ang kanilang anak.
   
Hinintay na lang ni Robin na makabalik ang kanyang mag-ina at siguradong babawi ito.
   
Hindi pa pinu-post ni Robin sa socmed ang pictures ng pagdating nina Mariel at Baby Isabella.
   
Ang inaabangan ng fans ng mag-asawa ay picture ni Robin na karga si Baby Isabella.