5,045 guests

Rhian, ’di agad naka-move-on sa Eddys experience

  • Written by Ian Fariñas
  • Published in Showbiz
  • Read: 719
Rhian Ramos Rhian Ramos

… industry leaders, positibong tinanggap ang bagong award-giving body

KALIWA’T kanan pa rin ang natatanggap naming pagbati mula sa iba’t ibang kampo sa loob at labas ng showbiz isang linggo matapos idaos ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang kauna-unahang The Eddys (Entertainment Editors’ Awards for Movies) sa Kia Theater na hinost ng mag-amang Edu at Luis Manzano. Mapapanood ito ngayong gabi sa ABS-CBN pagkatapos ng Gandang Gabi Vice, 11 p.m.

Nangunguna na rito ang mga nakapanood mismo ng grandiosong presentation sa Kia na masusing pinamahalaan ng Viva Live exec na si June Torrejon-Rufino at ni Direk Arnel Natividad.
    
Marami ang bumilib dahil pulido, maganda at sobrang saya ng nasaksihan nila. Nakakatuwa raw ang mabilisang palabas dahil hindi sila napuyat o nabagot man lang sa panonood.
    
Hindi rin makapaniwala ang mga nakausap namin na walang leakage bago ang awards night. Ito ay dahil sa husay at propesyonalismo ng official The Eddys auditor na Chan-Robles & Company, na pinamumunuan ng istrikto pero cowboy na si Juancho Robles.
    
Sa sobrang higpit, pati SPEEd members, walang ideya kung sino ang mga nagwagi. In fact, kasabay silang nag-abang ng audience sa announcement ng winners that night.
    
Pinangunahan ang performers ng mga sikat na idolo gaya nina James Reid, Nadine Lustre, Arjo Atayde, Yassi Pressman, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Ella Cruz, Julian Trono, Klarisse at Morissette Amon.
    
Hindi naman matatawaran ang presenters na sina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Jodi Santamaria, Cristine Reyes, Bela Padilla, JC Santos, Phoebe Walker, AJ Muhlach, Sarah Lahbati at Richard Gutierrez.
    
Kabilang din sa listahang ito ang young, popular loveteams na sina Janella Salvador at Elmo Magalona, Kisses Delavin at Marco Gallo at Maymay Entrata at Edward Barber na ang hukbo ng fans, biningi ang venue sa lakas ng tilian.
    
Higit sa lahat, organisado raw ang backstage ng The Eddys dahil mga taga-production lang, presenters at performers ang naroroon. Ang SPEEd members, chill at relaxed lang nanood ng buong palabas.
    
Ang best actress nominee na si Rhian Ramos (Saving Sally), umani ng papuri sa mala-Hollywood na pag-uugali sa pagdalo kahit hindi siguradong mananalo gaya ng katunggali niyang si Nora Aunor (Tuos) at co-nominees na sina Christian Bables (best supporting actor, Die Beautiful), Raymond Lee, a.k.a. Moira Lang (best supporting actor, Pamilya Ordinaryo) at Maria Isabel Lopez (best supporting actress, Pamilya Ordinaryo), hindi agad naka-move-on sa kakaibang na-experience sa The Eddys.

Tulad ng entertainment editors na bumubuo ng SPEEd, nag-check-in din si Rhian sa Novotel Manila Linggo ng hapon.
    
Kinabukasan, hindi sinasadyang nagkita sila ng isa sa SPEEd auditors na si Dinah Sibal-Ventura (Daily Tribune) sa almusal. Doon ay pinasalamatan ng huli ang una sa pagiging grasyosa.
    
Kwento ni Dinah, para kay Rhian, sapat na rason para dumalo ang alamin kung ano ang The Eddys at ma-nominate sa hanay ng magagaling na sina Nora, Vilma Santos (nagwaging best actress para sa Everything About Her), Jaclyn Jose (Ma’Rosa), Charo Santos (Ang Babaeng Humayo), Ai-Ai de las Alas (Area) at Hasmine Killip (Pamilya Ordinaryo).
    
Ipinost ito ni Dinah sa kanyang Instagram account.
    
Pagkalipas nu’n, nag-text pa umano si Rhian para muling magpasalamat sa SPEEd at The Eddys.
    
Sina Ate Guy, Isabel at Moira naman, paulit-ulit ang pasasalamat sa pagkaka-nominate at pag-iimbita sa kanila sa okasyon gayung sa totoo lang, ang SPEEd ang saludo sa kanila sa ipinakitang katapangan at pagbibigay-halaga sa hirap at pagod na ibinuhos nila sa kani-kanilang mga proyekto.
    
Sabi nga ng SPEEd president na si Isah Red (ng Manila Standard) sa kanyang welcome address, ang The Eddys ay hindi tungkol sa SPEEd o sa mga miyembro nito.
    
Ito ay tungkol sa mga producer, artista at pelikulang Pilipino na sama-samang kinilala nu’ng gabing iyon.
    
Pasasalamat ang ipinaabot ng grupo sa industry leaders na dumalo at sumuporta sa The Eddys, gaya nina Liza Diño-Seguerra at Aiza Seguerra ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), respectively, Boots Anson-Rodrigo ng Mowelfund, Rachel Arenas (MTRCB chief) at Christine Dayrit (ng Cinema Evaluation Board o CEB).
    
Si Tita Boots, karay-karay pa ang dalawang apong binatilyo nang manood sa Kia. Madiin at very warm ang ginawa niyang pagkamay sa bawat miyembro ng SPEEd pagkatapos ng seremonya.
    
Si Liza naman, nag-post ng congratulatory message sa IG. Aniya, “Congratulations Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) for a successful Awards Night. Amazing list of nominees and very beautiful production! More power and kudos for bringing back glitter and glamour in awards ceremonies! Cheers to many more years of celebrating Philippine Cinema! Mabuhay kayo!”
    
In similar fashion, nag-congratulate rin si Rachel at sinabing “We hope that this awarding ceremony will serve as a motivation to our artists to continue to master their craft and will inspire them to promote contemporary Filipino cultural values, bearing in mind age-appropriateness and audience-sensitivities.
    
“We look forward to more projects of SPEEd in encouraging and honing our local talents to be world-class. Again, congratulations and more power!”
    
Ito naman ang ipinaabot na mensahe ni Christine, “The film industry will always need a body that will promote the beauty and essence of Filipino movies. The Eddys is a welcome addition to the vanguards of quality filmmaking in the country.
    
“Let this initial undertaking be the sparkplug that will ignite further the country’s love for Filipino films.
    
“Again, congratulations to SPEEd and The Eddys.
    
“Mabuhay ang pelikulang Pilipino!”
    
Samantala, nagpapasalamat ang grupo sa Benefit Philippines at kay Annie Ringor para sa Eddys glam bags ng mga nominee, performer, presenter at guest, Dickies, DMCI Homes, Wilson Flores at Kamuning Bakery, Novotel Manila at Valencia Events Place.