6,252 guests

Babae ginulpi ng selosong bf

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 118

LABIS na panibugho ang nagbunsod sa 32-anyos na lalaki matapos niyang pagtatadyakan at tagain ng itak
sa ulo ang babaing kinakasama kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nakaligtas lamang sa tiyak na kamatayan ang 28-anyos na biktimang itinago lamang sa pangalang
Sarah nang magtungo sa banyo para umihi ang kinakasamang si Jomer Fernandez na naging daan upang
magtatakbo siyang palabas at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
 
Batay sa imbestigas-yon nina PO3 Ma. Luisa Cessandra Pobadora at PO2 Juana Rumbaua ng
Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), nakipag-inuman umano si Fernandez sa
ilang mga construction worker sa tabi ng kanilang bahay sa 11 A. Miranda Compound, Bukid St., Malinta,
matapos silang kumain ng hapunan ng ka-live-in.
     
Dakong alas-9:30 ng gabi nang pumasok na sa loob ng bahay ang lasing ng si Fernandez at
puwersahang ginising ang natutulog nang si Sarah.
     
Inakusahan umano ng lalaki ang ka-live-in ng pakikipag-relasyon sa iba at pilit na tinatanong
ang pangalan ng mga lalaking naging kasiping nito sa pagtulog na naging dahilan upang magkaroon sila
ng mainitang pagtatalo.
     
Sa gitna ng mainit na pagtatalo, hinablot ng lalaki sa buhok si Sarah, pinagsasampal at
tinadyakan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Hindi pa nakuntento, kumuha ito ng itak at tinaga sa ulo
ang kinakasama.
     
Nakuha naman ng mga nagrespondeng barangay tanod sa suspek ang ginamit na itak habang isinugod
sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktima upang malapatan ng lunas.
 
Nahaharap si Fernandez sa kasong paglabag sa R.A 9262 o Anti-Violence Against Women and their
Children Act sa piskalya ng Valenzuela City. May ulat ni Sunday Mae M. Locus (OJT)