5,975 guests

Ina ambolodto, kandidato ng LP sa senado

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 3227

MAAARING hindi matunog sa nakararaming botante sa bahagi ng Luzon at Visayas ang pangalan ni Nariman “Ina” Ambolodto, ang kaisa-isang babaing Muslim mula sa Mindanao na kandidato sa pagka-senador sa ilalim ng Liberal Party (LP)-Daang Matuwid Coalition.

Subalit kung susuriing mabuti ang kanyang pagkatao, kakayahan, kaalaman, kahusayan at sinseridad sa pagkakaloob ng serbisyo at paggawa ng kaukulang batas, plataporma at gawaing makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya, walang duda na nasa kanyang katauhan ang lahat ng ito.
   
Kung tutuusin, hindi na bago sa larangan ng pulitika si Ina Ambolodto dahil dati na siyang naging bise alkalde ng Northern Kabuntalan,  matagal na karanasan bilang provincial board member, naging acting provincial vice governor ng lalawigan ng Shariff Kabunsuan hanggang sa maging acting provincial governor ng lalawigan ng Maguindanao bago tuluyang italaga ni Pangulong Benigno Aquino III bilang assistant secretary for Muslim Affairs and Special Concerns ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
    
Sa panahon ng kanyang panunungkulan, tumatak sa puso at isipan ng maraming mamamayan sa Mindanao ang masidhing pagsusulong niya ng katahimikan at kaunlaran, hindi lang sa lalawigan ng Cotabato at Maguindanao kundi sa buong rehiyon.
    
Buo ang paniniwala ng liderato ng LP na talagang nasa katauhan ni Ina Ambolodto ang minimithing adbokasiya na matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao kaya’t hinimok siyang sumabak sa mas mataas na posisyon sa ilalim ng Daang Matuwid Coalition.
    
Bagama’t galing lamang siya sa simple, hindi kilala at walang impluwensiyang pamilya ng mga Muslim, nagsumikap ang kanyang mga magulang upang matustusan at mailagay sa maayos na institusyon ang kanyang pag-aaral, pati na ang kanyang mga kapatid.
    
Sa katunayan, sa murang edad ay naranasan na ni Ina ang mapabilang sa mga nag-alsa balutan sa kanilang lalawigan sa Kabuntalan bunga ng lumalalang kaguluhan noong taong 1970 at napuwersa silang manirahan sa Liguasan Yarsh hanggang mapabilang sa mga informal settlers sa tabing ilog sa Cotabato City kung saan 14 na taon silang  nanirahan.
    
Sa kabila ng kahirapan, pilit na natustusan ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral sa Notre Dame of Cotabato na laan sa kababaihan bago pumasok sa isang pamantasang pinangangasiwaan ng simbahang Katolika kung saan tumanggap siya ng degree sa Banking and Finance hanggang sa tuluyang mabigyan ng scholarship sa University of the Philippines kung saan nakakuha siya ng Degree of Master of Arts.
    
Bagama’t hindi kabilang ang kanyang pangalan sa malalaking personalidad sa larangan ng pulitika na namamayagpag sa survey, kumpiyansa ang kampo ni Ina na makokopo nila ang maraming boto sa Mindanao, pati na ang daang libong Muslim na nasa Luzon at Visayas na lubos na nakakakilala sa kanyang kakayahan.