4,874 guests

Lalaki binoga sa mukha, todas

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 113

Isang 39-anyos na lalaki ang binaril sa mukha ng hindi pa nakikilalang suspek sa Bgy. Batasan Hills, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot ang biktima na si Junnie Umlang, tubong Samar at nakatira sa 36-A.Hill St., ng nasabing barangay.
    
Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereño ng QCPD Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nangyari ang krimen alas-11:50 ng gabi. Ang biktima ay pinatay sa loob mismo ng sariling tindahan ng isang armadong suspek.
    
Ayon sa pahayag kay SPO1 Ereño ni Lorna Valdez  na kapitbahay ng biktima, nasa loob umano siya ng kanilang bahay nang marinig ang isang malakas na putok ng baril. Ilang sandali lang ay lumabas siya para mag-usisa at nadiskubre nito ang duguan at nakabulagtang biktima.
    
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives  (SOCO) sa pangunguna ni Chief Insp. Nelson Sta. Maria, narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril habang ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa mukha.
    
Blangko pa ang CIDU sa kung ano ang tunay na motibo sa pamamaslang.