5,629 guests

P2 dagdag-pasahe na hinihingi ng transport groups, ’di katanggap-tanggap

  • Written by Jun I. Legaspi
  • Published in Metro
  • Read: 135

HINDI katanggap-tanggap ang P2 dagdag-pamasahe na hinihingi ng transport group, ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection.

Ayon kay Atty. Ariel Inton Jr., chairman ng (LCSP), .50 centavos lamang ang makatwirang dagdag na pamasahe ang ibibigay sa transport group.

Masyadong mataas ang hirit nila ng fare increase at hindi ito katanggap-tanggap para sa mga commuter.

Gayunpaman, naniniwala si Inton na hindi ibibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang buong P2.00 hirit ng jeepney transport groups.

Sinabi pa ng dating opisyal ng LTFRB, baga-ma’t naiintindihan nito ang himutok ng mga jeepney driver at operator, mas pabor ito na bigyan muna ng .50 centavo hanggang P1 na fare increase.

Katwiran ni Inton, kapag ibinigay ang P2 fare hike, baka hindi na sumakay ng jeepney ang mga pasahero at mas pipiliin na lamang sumakay sa mga UV Express at vans na hindi pa nagtataas ng pamasahe.
    
Sa hiwalay na interview inayunan ng Public Commuters Motorists Alliance (PCMA) ang katwiran ni Inton na mabigat ang P2 dagdag na pamasahe na hinihingi ng mga transport group.
    
Ayon kay Jessie Santos, national president ng PCMA, makatwiran ang sinasabi ni Inton na kung magtaas man ng pamasahe dapat ay .50 centavos lamang, mataas na ’yung P1.