5,624 guests

Piso o 50 sentimos ok na, transport group sa fare hike

  • Written by Jun I. Legaspi
  • Published in Metro
  • Read: 148

“PISO o 50 sentimos o kahit magkano ang gusto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), okey na sa transport groups. Importante ay itaas na nila ang pamasahe.”

Ito ang giit ni Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportation at Opereytor sa Pilipinas (LTOP), matapos i-reset ng LTFRB ang decision nito sa kanilang P2 fare hike petition sa jeepney.

Subalit, sinabi ni Marquez sa interview, na mas makabubuti sa transport sector kung ibibigay ng LTFRB ang P2 fare hike na isinampa ng transport group.

Paliwanag ni Marquez, ibang iba na ang panahon, hindi lang petrolyo ang isyu kapag tumaas -- tulad ng kuryente na tumaas ngayon, ang tubig, bigas at iba pang basic at prime commodities.

“Nariyan ang problema ng lahat -- heavy traffic, kumpitensiya sa Uber, Grab at iba pang mga TNVS, gaya ng angkas, habal-habal at mga erring kotong traffic enforcers,” aniya.
    
Ayon kay Marquez, mga tao din ang nasa board at ramdam ng mga ito ang matagal nang hirap na dinaraing ng mga jeepney driver dahil sa matagal ng naka-binbin na fare hike sa LTBRB.
    
Samantala, nananawagan ang mga transport group leader sa buong bansa kay President Rodrigo Duterte na sabihan ang mga regional director ng LTFRB na bu-maba sa level ng mga driver at operator tulad ng ginagawa ng president at ni Chairman Martin Delgra, na nakikipag-usap sa mga driver at operator.
    
Ayon sa transport group leaders, napilitan silang manawagan sa Pangulong Duterte at Chairman Delgra dahil hirap silang makipag-transaction ng kanilang mga dokumento sa LTFRB.