5,956 guests

QC prosecutor utas sa RIT gunmen

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 242

Pinagbabaril at namatay ang isang piskal ng Quezon City habang naglalakad patungo sa kanyang sasakyan sa harap ng isang tindahan ng lechon kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktima na si Johanne Noel Medina Mingoa, 46, may-asawa, QC assistant city prosecutor, ng 43 Ma-pagkumbaba St., Bgy. Sikatuna Village, QC.
   
Sa imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente, may hawak ng kaso, nagpahayag ang mga nakasaksi sa pangyayari na ang mga suspek ay sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.
   
Nangyari ang insidente sa may harap ng Cebu Lechon outlet na matatagpuan sa Commonwealth Avenue, Bgy. Old Balara, QC, dakong ala-1:20 ng madaling araw.
   
Base sa pahayag ng security guard na si Rodrigo Catalo, naka-duty siya sa Golden Home UPVC Corporation at nakita niya ang biktima na naglalakad patungo sa kanyang nakaparadang Toyota Montero na may conduction sticker na (NK998) sa ’di kalayuan.
   
Ilang sandali pa, isang motorsiklo ang biglang huminto ilang metro ang layo mula sa biktima at bumaba ang angkas nito, nagbunot ng kanyang baril at pinaputukan ang huli hanggang sa masawi.
   
Agad na sumakay ang gunman sa kasamang nasa motorsiklo at sumibat patakas patungong Fairview.
   
Base sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene, 14 na piraso ng basyo ng bala ng kalibre .45 at isang tingga and narekober sa crime scene. Sa cursory examination naman ay lumabas na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima.
   
Samantala, agad namang ipinag-utos ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa CIDU na masusing imbestigahan ang pagpatay sa biktima.  
   
Inaalam din kung may CCTV sa lugar. Maging ang cellphone ng biktima ay sinusuri na rin ng CIDU upang makakuha ng impormasyon na maaaring makatukoy sa salarin.