6,929 guests

Robredo ‘biggest ad spender’ among VP bets

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Nation
  • Read: 3422

Gastos na P273 million saan galing?

MARAMING Pilipino ang nagtataas ngayon ng kilay matapos lumabas sa isang imbestigasyon na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang may pinakamalaking nagagastos sa mga ‘political advertisement’ sa hanay ng mga tumatakbong bise-presidente na umaabot na ngayon sa higit P237 milyon.

Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), si Robredo ang nanguna sa paggastos sa mga patalastas sa pagsisimula ng ‘campaign period’ noong Pebrero 9 hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Marso.
   
Kinalap naman ang mga datos batay sa ulat ng ‘Nielsen Media’s monitoring data’ kung saan lumabas kabuuang P273,200,000 na ang nagastos ni Robredo sa loob lang ng 50 araw.
   
Si Robredo, na biyuda ng namayapang si Sec. Jesse Robredo ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang sinasabing isa sa “pinakamahirap” na miyembro ng Kongreso.
   
Batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2013 matapos manalong kongresista sa distrito ng Camarines Sur, mayroon lamang siyang naitalang yaman na nagkakahalaga ng P8.29 milyon, dahilan upang magtanong ang karamihan kung saan nanggagaling ngayon ang kanyang pondo.
   
Batay pa rin sa ulat ng PCIJ, sumunod bilang ‘biggest spender’ si Sen. Francis “Chiz” Escudero na nakagastos na ng P236.2 milyon.
   
Nasa ikatlong puwesto naman si Sen. Alan Peter Cayetano na gumasta na rin ng P172.4 milyon.
   
Una na ring nagpahayag ng “kakapusan” ng pondo ang dalawang mambabatas na kanilang gagastusin sa halalan ngayong Mayo 9.
   
Nasa ikaapat namang puwesto si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gumastos lamang ng P42.84 milyon.