4,944 guests

AMH mgt. ipatatawag ng SP sa pagkamatay ng nanganak na ginang

  • Written by Mamer Bañez
  • Published in Provincial
  • Read: 255

BALER, Aurora -- Nakatakdang ipatawag ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang pamunuan ng Aurora Memorial Hospital (AMH) hinggil sa umano’y kapabayaan nito na ikinasawi ng isang nanganak na babae noong nakaraang buwan.

Sa privilege speech, binatikos ni SP Member Ceasar Pimentel ang maling gawain ng AMH sa pagkamatay ni Catherine Necesario, 22, ng Maria Aurora, na nanganak sa nasabing hospital subalit natuklasan na hindi naalis ang inunan na naging sanhi ng pagkalason ng kanyang katawan.

Sinabi ni Pimentel, health committee chairman, na kailangan ipaliwanag ng pamunuan ng AMH kung bakit isang nurse ang nagpaanak sa biktima samantalang ito’y nasa hospital at laging may nakatutok na doctor.

Ipinaliwanag ni Pimentel, na isa ring doctor bago naging SP member, na puede ring magpaanak ang isang nurse o ano man manghihilot kung ang pasyente ay nanganganib at kailangan nang ilabas ang bata.

Kabilang ding ipapatawag ng SP sina Dr. Luisito Teh, ang Provincial Health Officer (PHO), at Dra. Norma Palmero, hepe ng Aurora Memorial Hospital.
    
Nalungkot din si Pimentel sa pangyayari na binito (vetoed) ni Gov. Gerry Noveras ang kanyang bill na kailangan big-yan ng parusa ang ilang tiwaling opisyal na mapatuna-yan nagpabaya sa kanilang tungkulin na katulad nitong pangyayari na hindi maayos na medical treatment sa mga pasyente.
    
Sinabi naman ni Vice Gov. Rommel T. Angara na priority niyang isasalang sa susunod na session ang imbestigasyon sa pamunuan ng AMH.
    
Naniniwala naman ang ama ng biktima na si Marcelo Pajardo na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang anak na bagong graduate.