3,952 guests

‘Mama’s boy’ pinatay chismosong ama

  • Written by Cesar Reyes
  • Published in Provincial
  • Read: 318

“MAY kabit ang iyong ina sa Tabuk.” 

Nang marinig ito ng isang anak ay nagdilim ang paningin niya at pinagsasaksak ang pinagmulan ng masamang chismis -- walang iba kundi ang kanyang ama.

Isang sumbong ang natanggap ng Itogon Municipal Police Station (MPS) bandang 9 p.m. kamakalawa ng pananaksak na nangyari sa Camp 1000 Acupan, Virac, Itogon, Benguet.
    
Kinilala ang biktimang si Manuel Dallagan Basoyang, 51, may asawa, tubong San Juan, Tabuk, Kalinga na sinaksak ng kanyang anak na lalaki na si Mark Anthony Banggawan Basoyang, 21, at parehong residente ng nasabing lugar.
    
Sinabi sa imbestigasyon, habang nag-iinuman ang mag-ama kasama ang isang Eleazar Puyao ay nagkaroon ng sagutan na kung saan ay binanggit ng biktima sa kanyang anak ang katagang “Adda kabit ni inam idiay Tabuk” (may kabit ang iyong ina sa Tabuk).
    
Nang marinig ng kanyang anak ang katagang iyon, nagalit ito at kumuha ng patalim sabay unday ng saksak sa kaliwang dibdib ng kanyang ama.
    
Ang biktima ay isinugod ng kanyang kapatid na si Melchor Basoyang sa Baguio General Hospital pero idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Paolo Igama. Ang katawan ng biktima ay dinala agad sa kanilang tahanan.
    
Inaresto ng mga rumespondeng pulis ng Itogon MPS ang suspek at iniimbestigahan ang kaso habang hinihintay ang desisyon ng pamilya ng biktima kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso sa suspek.