5,367 guests

ABS-CBN employee halos patayin mag-iina

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Top Stories
  • Read: 687

INARESTO ng pulisya ang isang propsman ng ABS-CBN makaraang ireklamo ng pananakit sa kanyang mag-iina dala ng umano’y pagkalulong sa droga sa lungsod kamakalawa.    Base sa ulat ng QCPD Station-6, ang suspek ay nakilalang si Valiente Viñalon, alyas “Oliver”, 32, may-asawa ng Block 14, Lot 2, Senatorial Road, Violago Homes, Barangay Silangan, QC.

Siya ay inaresto ng mga operatiba ng Anti-Crime Task Force sa pangunguna ni Marcy Dimaculangan, at Police Community Precinct commander P/Insp. Eduardo Ramos, ng PCP-4 dahil sa pananakit sa kanyang kinakasamang itinago sa pangalang Marie, 24, at isang tatlong  taong gulang at apat na taong gulang na mga anak.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong April 19, 2017, dakong alas-9 ng gabi sa kanilang tahanan sa Barangay Silangan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sina Marie at Viñalon, alyas “Oliver” ay mag-live-in partner at biniyayaan ng isang anak.

Gayunman, sa hindi inaasahan sa loob ng kanilang bahay, ay bigla na lang umanong sinaktan ng akusado ang kinakasama kung saan sinampal niya ito sa kaliwang pisngi at tinangka pang saksakin.
   
Pero nagawa namang magmakaawa ang biktima sa suspek kaya kumalma ito, subalit ilang sandali ay pinagbalingan namang saktan ng huli ang mga anak na tinutukan ng gunting sa mukha.
   
Hindi pa nakuntento ang akusado, sinakal pa nito ang kinakasama, saka dinuraan ang menor de edad na anak sa mukha, binantaan, saka sinabihan ng katagang “PI mo... sino ang duwag!”
   
Ang insidente ay narinig ng kanilang mga kapitbahay sanhi para ireport nila ito sa PCP commander ng Bgy. Bagong Silangan, na agad namang rumesponde at nagsagawa ng follow-up operations na nagresulta sa pagkakadakip ng akusado at marekober ang isang stainless Titanium na gunting.
   
Sinasabing ang akusado ay isa umanong drug addict. Gayunman, nabigo naman ang mga otoridad na marekober mula dito ang anumang drug paraphernalia subalit isinailalim agad ito sa boluntaryong drug test na naging positibo naman ang resulta.
   
Kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act ang isasampa sa akusado.