6,221 guests

Mall voting, ’di na idaraos

  • Written by Mia B. Billones
  • Published in Top Stories
  • Read: 3278

HINDI na magdaraos ng mall voting ang Commission on Elections (Comelec) sa Mayo 9.

Ayon kay Comelec chairman Andres Bautista, ito’y matapos na magpalit ng kanilang isip ang tatlo nilang commissioner pabor sa pagbasura sa mall voting na nagresulta sa botong 4-3.

“All set na kami. Pero kahapon, dahil sa mga agam-agam, sabi ko pag-usapan muli at nagkabotohan kahapon. Mayroon tatlong commissioner na nagpalit ng isip kung kaya’t ngayon ang boto ay 4-3. The Comelec have decided not to proceed with the mall voting this 2016 elections,”  ani Bautista.
   
Nauna nang nagbotohan ang Comelec en banc noong Marso 10 na nagresulta sa botong 6-1 na pumapabor sa mall voting.
   
Ayon kay Bautista  nagkaraon ng  ilang  pagkuwestiyon kabilang ang araw ng paglilipat ng polling precinct bago ang halalan  na isa rin sa tinalakay noong Martes.
   
“Akala ko po ay tuluy-tuloy na pero may ibang commissioner na sabi nila na kailangan may approval at kailangan inilipat na rin ang voting precinct 45 days before the elections,” dagdag  pa ni Bautista.
   
Kabilang sa tutol sa mall voting ay sina Commissioners Rowena Guanzon at Christian Robert Lim.
   
Anila, nakasaad sa Omnibus Election Code na kailangang maaprubahan ang  paglilipat ng  polling precinct 45 araw bago ang  halalan.
   
Tinatayang nasa 231,174 Filipino ang inaasahang  magtutungo sa mall upang bumoto.
   
Nasa 80 malls naman ang dapat na gagawing polling precinct kung saan kinabibilangan ito ng SM Malls-27 malls, 87,423 voters ; Robinsons Malls-  20 malls, 60,486 voters; Ayala Malls -- 14 malls, 34,868 voters; Walter Mart -- 5 branches, 11,746 voters; Pacific Malls -- 3 malls, 11,602 voters;  CB Mall -- 848 voters, Gaisano Grand Malls -- 5 malls, 10,630 voters; Sta. Lucia Mall -- 4,272 voters, City Malls -- 3 malls, 4,087 voters at Fisher Mall -- 5,212 voters.
   
Una  na ring  nakipagkasundo si Bautista sa Robinsons Malls at Ayala Malls sa pamamagitan ng memorandum of agreement.
   
Magsasawa din ng  information dessimination ang  Comelec sa mga botante na maapektuhan ng pagbabago.  Umaabot sa 876 PWDs at 28,136 senior citizens ang  maaapektuhan ng nasabing desisyon.