6,132 guests

PCC dapat kastiguhin

  • Written by Peoples Tonight
  • Published in Top Stories
  • Read: 322

Panghihimasok sa Globe-PLDT-SMC deal idinulog sa DICT

PINALAGAN ng grupo ng mga negosyante at consumer ang pakikialam ng Philippine Competition Commission (PCC)  sa transaksiyong pinasok ng  Globe Telecom at Philippine Long Distance Telephone Company sa San Miguel Corporation na pagbili ng 700 mHz spectrum para sa mas mabilis na Internet connection sa bansa.

Aprubado  ng National Telecommunications Commission (NTC) ang nasabing kasunduan  na nagresulta ng malaking kapakinabangan hindi lamang sa milyun-milyong Internet users kundi maging sa negosyo tulad ng Business Process Outsourcing (BPO).
    
Ang 700 mHz spectrum ay dating idle asset ng SMC kaya walang nakikitang masama ang mga negosyante  at consumers group  sa pinasok na deal ng dalawang kompanya.
    
Naging mabilis ang pag-download ng data  ng Internet users  dahil nakapag-deploy  na ng LTE cellsites   mula nang mabili  ito at magamit ng dalawang telcos.
    
Lumilitaw rin sa international studies at surveys ang malaking pagbabago sa bilis ng Internet na nadoble na matapos ang transaksiyon.
    
Nagtataka ang mga negosyante at consumer group kung bakit kinukuwestiyon pa ng PCC ang nasabing kasunduan sa kabila ng malinaw na pagbilis ng Internet sa bansa at ng pag-apruba rito ng NTC.
    
Anila, ang ginagawang ito ng PCC ay malinaw na pang-aagaw sa tungkulin ng NTC, Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng iba pang ahensiya na nagre-regulate sa telcos.
    
“Kung mas mabilis ngayon ang Internet at nasisiyahan naman ang mga cellphone subscriber sa serbisyo ng telcos, walang dahilan para makialam pa ang PCC sa aprubado nang transaksiyon,” ayon sa mga negosyante.
    
Kaugnay nito ay hiniling nila sa DICT na aksiyunan ang panghihimasok na ginagawa ng PCC sa transaksiyon sa pagitan ng SMC, Globe at PLDT upang hindi na bumalik ang mabagal na Internet sa bansa.