Home>Editorial>Opinion>‘10K Ayuda Bill’ mapag-usapan na kaya sa Kongreso?

‘10K Ayuda Bill’ mapag-usapan na kaya sa Kongreso?

MALAKI ang paniwala ng ating mga miron sa Kongreso na “malaking tulong” ang naging pahayag ni Senate Health Committee chair at dating Special Assistant to the President (SAP) Sen. Christopher ‘Bong’ Go (SBG), hinggil sa pangangailangan na muling bigyan ng ayuda/suporta ng gobyerno ang ating mga kakabayan dahil pa rin sa patuloy na pananalasa ng COVID-19.

Noon lang kasing Miyerkules, sinabi ni ‘SBG’ na “umapela” na siya kay PDU30, DOF Secretary Sonny Dominguez at kahit kay DBM Secretary, Wendell Avisado, upang makahanap ng pondo para sa dagdag na ayuda sa mga mahihirap na Pililpino.

Ayon pa kay SBG, dapat na ring kumilos ang DSWD hinggil sa panukala at pag-aralan ang bilang ng mga dapat matulungan.

Para naman sa grupo ni dating House Speaker at Taguig representative, Alan Peter Cayetano at kanyang mga kasamahan sa ‘Balik sa Tamang Serbisyo’ (BTS) sa Kongreso, ang ipinakitang malasakit ni SBG ay mistulang pag-endorso sa kanilang ‘10K Ayuda Bill’ para sa bawat pamilya ng mahihirap na Pinoy.

Bukod kay Cayetano, kasama sa umakda ng panukala ay sina, Congw. Lani Cayetano, Cong. Dan Fernandez, Cong. LRay Villafuerta, Cong. Raneo Abu, Cong. Jonathan Sy- Alvarado at, Cong. Mike Defensor.

Ito ay dagdag na ayuda, dahil sa mga bansa sa Asya, nahuhuli ang Pilipinas sa pagbibigay ng stimulus package sa mga “pinadapa” ng COVID-19.

Ang panukala ay inihain noon pang Pebrero 1, 2021– na mistulang ‘anticipated’ ang magiging posisyon ni SBG sa isyu ngayon— subalit, ang nakapagtataka, natapos na ang sesyon ng Kongreso kahapon, aba’y kahit isang ‘committee hearing,’ walang isinagawa ang House Committee on Social Services, araguy!

Babalik naman sa kanilang sesyon ang Kongreso sa Mayo 18 at ang tanong: Mapag-usapan na kaya ang panukala dahil na rin sa mga tinuran ni SBG?

Makati City Pabakuna

Alam naman ng lahat na mistulang ‘eyes and ears’ ni PDU30 si SBG at sa napakaraming pagkakataon, kung ano ang sinabi ni SBG, ganun na rin ang naging posisyon ng ating mahal na Pangulo, hindi ba, Boss Joey Venancio?

At hindi lang yan. Nalaman pa natin na kahit sa mga LGUs, umaani na rin ng suporta ang 10K Ayuda Bill!

Halimbawa, nagpatibay na pala ng resolusyon ang Tarlac City at ang bayan ng Alburquerque sa Bohol, na pormal na isusumite sa Kamara at Senado bilang pagsuporta sa panukala ng BTS.

At alam ba ninyo, mga kabayan, na para lang huwag maisip ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco na “pulitika” ang nasa likod ng panukala, isinusog pa ni Cayetano na “payag” silang baklasin, ehek, “tanggalin” ang kanilang mga pangalan bilang mga ‘principal authors’ kung ito ang magbibigay-daan upang, sa wakas, mapag-usapan na sa Kamara ang 10K Ayuda Bill.

Ang “himutok” pa nga ng mga miron, “mabuti” pa ‘yung panukalang batas na nagtatanggal ng billboards tuwing panahon ng bagyo, nakapasa na sa Kamara, hehehe, ayy, huhuhu!

Anila pa, “alin” ba ang mas mahalaga, ang proteksyunan ang interes ng mga kapitalistang ‘billboard owners’ o ang “sikmura” ng kawawang Juan dela Cruz?

Sa ganang atin naman, naniniwala tayong kikilos ang liderato ni Speaker Lord basta sa kapakanan ng mas nakararaming Pinoy at hindi dahil sa pulitika, kaya, “kilos na Mr. Speaker!

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight