Home>Editorial>Opinion>1sambayan #santambak na pabaya!

1sambayan #santambak na pabaya!

ANG problema talaga ng bayan natin, nauubusan na tayo ng mga sensible men and women in high places.

Kung minsan, mas maganda pala talaga tumambay sa pondahan sa Bangkusay sa Tondo or sa dating lugar namin sa Sta Barbara, Novaliches kasi maraming mga tao doon na kapag nagkuwento, may mapupulot ka kahit paano.

Habang naglilinis ako ng mga bentilador sa bahay, tiyanaga kong panoorin ang launching ng 1sambayan nila former Deped sec Brother Armin Luistro, former SC Justice Antonio Carpio, former Ombudsman Conchita Carpio-Morales at former Foreign Affairs secretary Albert del Rosario.

Umaasa akong may mapupulot sa kanilang paglulunsad ng “grand coalition ng mga oposisyon” kaya kahit nagkandabali-bali ang ring ng electric fan namin, sige lang ang tutok ko.

Maliwanag naman ang mga sinabi nila, coalition sila ng grupong maglalagay ng isang kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo na itatapat sa sinumang kandidato ni Pangulong Duterte sa 2022.

Kinakausap na raw nila sila Manila Mayor Isko Moreno, Senadora Grace Poe, Senadora Nancy Binay at former Senator Sonny Trillanes.

Ang mga nagsasalita at pati na mga nagtatanong, alam mong iisa ang direksiyon, gusto nilang makabalik sa posisyon ang dati nang isinuka ng mamamayan noong 2016–ang pulitika ng walang pakialam sa tao!

By the way, sa mga hindi nakakaalam, itong 1sambayan ay sila-sila rin iyong nagtatatag ng #tindigpilipinas na kumbaga sa pelikula, nilangaw!

Mukhang nangawit na sila sa pagtindig kaya gusto na ring makaupo!

Kung hihimayin natin ang mga sinasabi ng 1sambayanan kasama na ang ilang “hakot na tapag-tanong”, mararamdaman mong inip na inip na sila pagtindig na sila-sila lang at walang sumasamang mamamayan.

Makati City Pabakuna

Ang totoo, kahit nakaputi pa silang lahat sa programa, kapag tinatamaan ng ilaw ang damit nila, repleksiyon ng dilaw ang lumalabas.

Tama po, sila rin iyong mga nakadilaw noon na hindi man lang tumindig para sa bayan habang minamasaker ang SAF44, sila rin iyong walang kibo habang pinababayaan ng gobyernong Aquino ang mga biktima ng Yolanda, sila rin mismo iyong mga taong may yellow ribbon sa dibdib habang ang mga shabu laboratory ay kaliwa’t kanang mag-operate sa bansa.

At mga taga-1sambayan na dilawan naman talaga ang nakadekuwatro lang habang ginagahasa at pinapatay ng mga drug addict ang ating mga kababaihan, habang inaakyat bahay tayo ng mga kriminal, habang ang shabu tiangge ay pangkaraniwan na lamang.

Yes, sila rin mga taga-1sambayanan ang pasipul-sipol lang habang tinataniman ng bala sa airport ang ating mga bagahe, yes, sila rin iyong nagpa-party kung saan-saan habang nagpipista ang riding in tandem at ang carjacking ay talamak at sinusunog pa ang may-ari ng sasakyan.

Ang totoo, apat na taon pa lang silang nakatindig dahil kung bibilangin mo ang paghahari ng mga dilawan sa gobyerno, halos 26 years sila pagkatapos ng Edsa People Power noong 1986.

Ngayong malapit na ang eleksiyon, nag-reunion na naman sila at muling pinagpaplanuhan kung paano na naman nila pahihirapan ang bayan sa Edsa traffic, sa dispalinghadong MRT, sa worst airport, sa pagpigil sa lahat ng big ticket projects tulad ng Skyway at Laguna de Bay massive dredging laban sa baha.

Kinilabutan ako at gusto kong ihampas sa aking ipad ang nililinis kong bentilador sa mga sinasabi nilang gagawing paglilinis sa bayan kapag natalo ang kandidato ni Duterte sa 2022. Sila iyong maraming basura, sila ring salaula sa pamamahala, tapos sinasabi nila ngayon na magaling silang maglinis!

Suggestion lang, mas maganda siguro linisin nyo muna mga konsensiya nyo at aminin sa taumbayan sa 1santambak kayong mga pabaya at hindi talaga para sa kaayusan ng bayan ang inyong layunin mula’t mula.

Nabigyan na kayo ng tiyansa pero sinayang nyo kaya huwag na kaming bolahin sa inyong coalition pa-ek-ek nyo!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV