Home>Editorial>Miscellaneous>2 lalaki, arestado sa pagdukot sa Malaysian na nagpunta sa Pinas para makilala ang nobyong ka-chat
Miscellaneous

2 lalaki, arestado sa pagdukot sa Malaysian na nagpunta sa Pinas para makilala ang nobyong ka-chat

Inaresto ng DILG at PNP sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang dalawang lalaking suspek —isang Pilipino at isang Malaysian— dahil sa umano’y pagdukot at illegal detention ng isang babae na isa ring Malaysian national na nagtungo sa Pilipinas para lamang sana makilala ang kanyang kasintahang nakilala sa isang dating app.

Kinilala ang dalawa na sina Justine Alaraz, 28 at Chan Yong Howe, 29, isang Malaysian national.

Ayon sa ulat ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), ang biktimang s Voon Pei Lim, 35, ay pumunta sa bansa para personal na makita ang kanyang nobyo na nakilala niya mula sa isang dating app.

Ang biktima ay sinundo ng isang lalaking Chinese mula sa airport at dinala sa Carmona sa Cavite noong Setyembre 9 at doon na siya na-detain. Mula doon ay naipasa ang biktima sa iba’t-ibang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ang insidente ay ini-report sa AKG ng amo ng biktima na si Jhon Basil Margarian, isa namang Australian national, na may negosyong naka-base sa Singapore, kasama ang kanyang Pinay na empleyado.

Sinabi ni Margarian na itinago ang biktima sa isang lugar at humihingi ito ng 26,000 Malaysian Ringgit o katumbas ng P300,000 sa kanyang pamilya para makaalis siya sa nasabing lugar.

Kaugnay nito ay humingi ng tulong ang PNP-AKG sa Aviation Security Unit (AVSEU) habang hinahabol nila ang sasakyang naghahatid sa biktima mula Carmona patungong airport.

Naharang ang sasakyan sa NAIA premises kung saan inilatag ang checkpoint ng mga operatiba at na-verify ang lahat ng sasakyan at pasaherong papasok sa NAIA na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga suspek at pagkakasagip naman sa biktima.

Kasalukuyang tinutunton ang Chinese na sumundo sa biktima sa airport.

Itchie G. Cabayan
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.