Home>News>Provincial>300 KMs illegal wire nakumpiska ng More Power sa isinasagawang Oplan Valeria
Provincial

300 KMs illegal wire nakumpiska ng More Power sa isinasagawang Oplan Valeria

SA loob lamang ng isang buwang tuloy-tuloy na operasyon laban sa illegal electric connection sa Iloilo City ay umabot na sa may 300 kilometers na illegal wiring o jumper cables ang narekober ng More Electric and Power Corp(More Power).

​Ayon sa More Power kung ilalatag ang kanilang nakumpiskang illegal wiring ay nasa 300 kilometers na ito at kung titimbangin ay aabot ng 10 tons.

​Sa datos ng More Power ay nasa 156 barangay na sa kabuuang 180 barangay ang kanilang nagalugad sa isinasagawang Operation Valeria anti-jumpers raids, sa loob ng isang buwan ay may 5,000 illegal connections na nakakabit sa kanilang secondary line na din ang natanggal.

​Upang masiguro na hindi na muling makapapagkabit ng jumper sa mga lugar na mataas ang rate ng illegal connection ay nagtalaga na ang More Power ng may 500 guwardiya sa iba’t ibang lugar para regular na magbantay.

​“We’ve already placed almost 500 guards in areas where power pilferage has been observed to be prevalent,” ayon sa More Power.

​Samantala, nasa 17 katao na ang nakasuhan matapos mahuli sa aktong nagkakabit ng jumper cables. Ang mga ito ay nahaharap sa mabigat na kaso bukod pa sa itinakda ng korte sa P130,000 ang kanilang piyansa.

​Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang Oplan Valeria ng More Power sa may 24 pang natitirang barangay.

​Tiniyak ng More Power na wawakasan nito ang illegal power connection sa Iloilo City na ayon sa isinagawang pag-aaral ay umabot na sa 30,000 ang talamak na paggamit ng jumper ang dahilan kung bakit mataas ang insidente ng sunog sa mga power lines gayundin ay mataas ang system loss.

​Ang nakumpiskang mga jumper cables ay nakatakda namang gamitin ng More Power bilang ebidensya laban sa Panay Electric Company (PECO).

​“All of these wirings are measured and then labelled to be used as evidence in the investigation and eventual case that would be filed against PECO to prove how prevalent power pilferage has been in the city of Iloilo during their incumbency as its power distribution firm,” dagdag pa ng More Power.

​Bilang resulta ng ginawang crackdown sa llegal power connection ay tumaas na ang bilang ng mga residente na nag-apply para sa pagpapakabit ng kanilang sariling electric meter.