CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao – Handa na para sa panibagong hamon na nakaatas ang 34th Infantry (Reliable) Battalion para mapaigting ang kampanya ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division laban sa mga Communist Terrorist Group.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rey C. Rico, Acting Commander ng 34IB, malaking tulong para sa kanyang mga tauhan ang pagsailalim nila sa Battalion Retraining Program na nagsimula nitong July 12 hanggang October 6, 2022. Ito’y para mapahasa ang kanilang kaalaman at kakayahan.
Ang 34IB ang magiging katuwang ng 1st Mechanized Infantry Brigade bilang dagdag na mga peacekeepers sa area of operation nito.
“Pinapaalalahan din natin ang ating mga kasamahan sa 34IB na magpakita ng mabuting halimbawa sa komunidad at maging masunurin sa batas”, ayon kay Lt. Col. Rico.

Nagbigay naman ng kanyang paalala si Major General Roy Galido, JTF Central at 6ID Commander sa mga sumailalim sa katatapos lamang na Battalion Retraining Program na ingatan ang reputasyon na pinaghirapan.
“Tandaan, maraming taon ang inilaan para mapagtibay ang isang reputasyon, at ilang minuto lamang para ito’y sirain”, ayon kay JTF Central at 6ID Commander Maj. Gen. Galid.
Kanya namang pinasalamatan ang training committee para sa maayos na pagsubaybay sa Battalion Retraining Program.

“Congratulations sa 34IB at mga personnel nito. Naway maging daan ang retraining program upang kayo ay maging mas handa sa panibagong sitwasyon na inyong tatahakin. Umaasa ako na ang layunin ng pagsasanay na ito ay natamo at nakabuo ng pagkakaisa sa inyong unit”, dagdag pa ni Maj. Gen. Galido.
Ang Battalion Retraining Program ay isang operational capability preparedness program ng isang infantry battalion para sa mabilis na deployment mission laban sa mga kaaway sa anumang antas at tindi ng labanan.





