Home>News>Nation>PDigong, Go bibisita sa mga nasalanta ng baha sa Cagayan

PDigong, Go bibisita sa mga nasalanta ng baha sa Cagayan

Bong Go & Rodrigo Duterte

Tiniyak ngayon ni Sen. Bong Go na bibisita sila bukas (Linggo) ni Pangulong Duterte sa lalawigan ng Cagayan upang magbigay ng tulong at ma-assess ang kalagayan at mga pangangailangan ng mga apektadong lugar.

Sinabi ni Go na sa ngayon, ang lahat ng assets ng gobyerno ay naka-mobilize na para rumesponde sa mga apektado ng bagyo at mga humihingi ng saklolo.

Patuloy rin aniya ang pagsasagawa ng rescue and response operations at pamamahagi ng food at iba pang assistance sa Cagayan at iba pang lugar.

Siniguro rin ng senador na maging ang kanyang opisina ay tuloy-tuloy ang pag-iikot at paghahatid ng agarang tulong.

Pagkatapos magbigay ng tulong sa Catanduanes, kasalukuyang nasa Albay na sila upang rumesponde sa mga pangangailangan doon. Pupuntahan at magbibigay rin kami ng tulong sa iba pang lugar sa Bikol, southern Luzon, NCR at northern Luzon,” ang pahayag ni Go.

Ang hiling ko lang sa mga kababayan natin, patuloy lang po tayong magbayanihan at mag-cooperate sa pamahalaan,” dagdag ng senador.

Ayon kay Sen. Go, palaging naka-monitor ang gobyerno, nagmamalasakit at handang tumulong anomang oras.

“Sisiguraduhin namin na walang sinumang Pilipino ang maiiwan. Hindi namin kayo pababayaan,” ani Go.

Sa ngayon aniya, ang focus ng pamahalaan ay rescue efforts sa pagsasabing mahalagang mailigtas ang buhay ng mga Pilipinong apektado.

Kaya naman sinigurado agad ng Pangulo na handang magamit ang lahat ng assets ng para masagip ang mga nangangailangan ng saklolo.