Home>Editorial>Opinion>Alisin ang mga fitting stations ng upuan pangkaligtasan

Alisin ang mga fitting stations ng upuan pangkaligtasan

MAINAM ang layunin ng Child Safety in Motor Vehicle Act o RA 11229: ang pangalagaan ang kaligtasan ng mga bata na ang edad ay 12 taon gulang pababa habang sila ay lulan ng ano mang sasakyan na may apat na gulong.

Ayon sa Organization for Economic Development (OECD), taon taon 1.25 milyon tao ang nadidisgrasya sa aksidente sa kalsada sa buong mundo, at 60% nito ay nangyayari sa Asya. Mayroon limang salik bakit mataas ang bilang ng aksidente sa kalsada: 1) ang pagmamaneho ng lasing;2) pagpapatakbo ng matulin ;3) hindi paggamit ng tamang helmet ng mga naka motorsiklo;4) ang hindi paggamit ng sinturon pangkaligtasan; at 5) ang hindi paggamit ng child restraint system (CRS). Batay sa datos ng OECD, nababawasan ng malaking porsiyento ang mga nasusugatan ng malubha o namamatay na pasaherong gamit ang sinturon pangkaligtasan : 50% kapag nakaupo sa harapan ng sasakyan at 75% kung nakaupo sa likod ng sasakyan. Nababawasan ng 70% kung may child seat para sa mga sanggol at 80% kung may booster seats para sa mga batang paslit.

Hindi lahat ng bansa sa Asya ay may batas na nag-uutos na gumamit ng child seats at booster seats. Ang Australia, Singapore, Japan, New Zealand, Cambodia, Laos PDR, Malaysia pa lang ang may ganitong batas. Noon Pebrero 2019, lumabas ang RA 11229 at nasama ang Pilipinas sa listahang ito.

Makatwiran ang batas. Subalit may mga kilay na tumaas dahil sa pinalabas na IRR nito ng DOTR. Isa sa mga puna dito ay ang pagtatalaga ng mga “fitting stations” na siyang inatasan ng DOTR na magkabit ng child seat o booster seat sa mga sasakyan. Wala ito sa RA 11229 sapagkat hindi naman kailangan ng kasanayan para maglagay ng Child Restraint System sa sasakyan. Sentido komon lang ang kailangan. Pangalawa, hindi nakakasabay ang DTI Bureau of Product Standards sa pagbibigay ng Philippines Standard mark sa mga ibinebentang mga CRS sa merkado. Ang pintas ko lang sa batas na ito ay hindi binigyan ng boses ang DTI, DOH, DILG, CWC, MMDA sa pagbalangkas ng IRR. Pinagkokonsulta ng batas ang DOTR sa mga ahensiyang ito pero ang may kapangyarihan bumalangkas at sumulat ng IRR ay DOTR lamang, kaya naging one man show tuloy ito ng DOTR. Sila lang tuloy ang umaaani ng batikos ng sambayanan.

Ngayon ipinagpaliban ang pagpapatupad ng RA 11229, gamitin ang panahon upang repasuhin ang IRR nito at tanggalin ang Sec 3 h at Sec 16 tungkol sa fitting stations dahil wala itong batas na pagbabatayan.

* * * * * * * * *

Makati City Pabakuna

Sa Lunes, Pebrero 8,2021 ang ika 131st kaarawan ni Claro Mayo Recto na naglingkod sa ating bansa sa iba’t ibang kapasidad bilang kongresista, senador, mahistrado ng Korte Suprema, Presidente ng 1934-35 Constitutional Convention, Kalihim ng Edukasyon, Kalusugan at Public Welfare, at Ambassador Extraordinary. Maliban pa sa pagiging makabansang lider politiko, maraming sinulat na mga artikulo, sanaysay at tula si Sen. Recto sa wikang Kastila at English.

Siya rin ang pangunahing may-akda ng Rizal Law o RA 1425 na inaatasan ang lahat ng paaralan at kolehiyo na isama sa kurikulum ang pagtuturo sa buhay, adbokasiya at mga sinulat ni Dr. Jose Rizal. Kabilang dito ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Mahigpit ang oposisyon ng simbahang Katoliko sa panukala ni Recto. Dahil sanay siyang nasa minorya noon kongresista at senador siya, hindi siya natinag at naging batas ang kanyang panukala.

Ang sikat na kalsadang Azcarraga noon panahon ng Kastila ay ginawang Claro M. Recto Avenue sa Lunsod Maynila bilang pagkilala sa mga ambag ni Recto sa ating bansa.

Hinahangaan natin si Recto sa kanyang mga naging ambag sa ating bansa. Ngunit ang aking nais bigyan pansin ay ang hindi niya pagiging balimbing na politiko. Mahirap malagay sa minorya, noon at magpasahanggang ngayon ,subalit hindi ito naging dahilan upang iwanan ni Recto ang kanyang mga prinsipyo para lang sumama sa mayorya at makinabang sa mga pribilehiyo dito.

Pinahahalagahan ko ang karanasan ni Recto sapagkat ako man ay naging bahagi ng minorya noon 1998 ng ako ay unang naihalal na Kinatawan. Mahirap sa minorya, palaging talo sa botohan kahit alam mong nasa katwiran ang iyong pinaglalaban, subalit marami akong natutuhan na hindi ko makukuha sa pagiging mayorya. Natuto akong magbasa ng COA reports,National Expenditure Program at maunawaan ang budget process mula DBM hanggang sa small committee on amendments at huli sa Bicam , at makabuo ng mga masustansyang tanong kapag panahon na ng budget deliberation. Naging batido rin ako sa parliamentary procedure at Robert’s Rules of Order na hindi naman itinuro sa law school. Nakakalungkot sapagkat mabibilang mo sa isang kamay ang mga politiko na katulad ni Recto. Karamihan ng nasa mayorya ay pang puno lang ng bilang para magkaroon ng quorum sa sesyon at talagang totoo ang Pareto principle.

Publication Source :    People's Tonight