Home>News>Nation>Ama ni Halina Perez pinatay!

Ama ni Halina Perez pinatay!

PATAY ang 60-anyos na ama ni dating actress Halina Perez matapos ambusin ng di pa kilalang mga salarin sa Bgy. Talangka, Sta. Maria, Laguna, Huwebes ng hapon.

Sa ulat ni PCapt. Eviener Boiser, hepe ng Sta Maria police, nakilala ang biktimang si Rene Uri, ng Sitio Luya, Bgy. Coralan.

Binawian nang buhay ang biktima bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanyang ulo at katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre na baril na ginamit ng mga suspek.

Dakong 4:30 p.m. noong Huwebes ng tambangan ng mga suspek ang biktima habang sakay sa kanyang minamanehong itim na Kymco na motorsiklo patungo ng Bgy. Bagong Pook mula sa bayan ng Mabitac.

Patraydor na pinagbabaril ang biktima hanggang sa sumadsad ang minamanehong motorsiklo nito bago tuluyang bumulagta sa gilid ng kalsada.

Makati City Pabakuna

Mabilis na tumakas ang hinihinalang riding-in-tandem suspects patungo ng Bgy. Cabuoan makaraan ang pananambang kung saan agarang binawian nang buhay ang biktima sa lugar.

Nakita ng isang magsasaka ang bangkay ng biktima habang nakahandusay sa gilid ng kanyang motorsiklo.

Samantala, base sa pahayag ni Boiser, isang taon pa lamang aniyang nakalalaya ang biktima mula sa pagkakapiit nito sa Laguna Provincial Jail sa bayan ng Sta. Cruz dahil sa kinasasangkutan nitong kaso ng pagpatay sa dating bise alkalde ng bayang ito na si Rex Real mahigit 15 taon na ang nakararaan.

Makaraan nito, napagkalooban pa umano ng parol ang biktima makaraan ang mahigit 15 taon nitong pagkakulong.

Lumilitaw pa rin sa ulat na nasawi sa aksidente sa Bicol ang aktres na si Perez kabilang ang tatlo pa nitong kasama habang nakapiit sa bayan ng Sta. Cruz ang biktma.

Publication Source :    People's Tonight