Home>Editorial>Opinion>Ang aasahan ng PH kay Uncle Sam
Opinion

Ang aasahan ng PH kay Uncle Sam

NAGIGING mainit na naman ang usapin sa pag-okupa ng Tsina sa mga isla sa West Philippine Sea na ipinipilit natin na bahagi ng ating ‘exclusive economic zone’ (EEZ).

Mula pa noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino naging agresibo na ang hakbang ng Tsina upang palawakin ang puwersa nito sa mga pinag-aagawang isla sa nasabing karagatan.

Siyempre, ikinagalit ng marami nating mga kababayan ang pagtataboy ng mga Tsino sa mga Pilipinong nagtatangkang lumapit sa mga isla upang makita ang kalagayan doon.

Maging ang ating sariling Sandatahang Lakas ay hindi magawang makalapit sa sakop mismo ng ating EEZ dahil sa pagtataboy ng mga Tsino.

Dahil walang sariling lakas ang bansa para idepensa nito ang sarili, marami ang tumitingin sa ‘tulong’ ng Estados Unidos laban sa agresyong ito ng Tsina. Dahil inaasahan ng marami sa atin na kaibigan tayo ng U.S. at tutulungan tayo sa sigalot sa West Philippine Sea.

Pero tulong ba talaga ang aasahan natin kay ‘Uncle Sam?’

Kung lalabanan man ng Estados Unidos ang Tsina, ito ay hindi dahil kaibigan nila tayo kundi ito ay dahil sa interes nila na pahinain ang paglakas ng Tsina sa politika, ekonomiya at puwersang militar.

Tiyak na gagamitin ng Estados Unidos ang gulong ito sa West Philippine Sea upang muling makabalik sa bansa ang kanilang mga base-militar at makialam sa problemang ito.

Wala sa interes ng Estados Unidos na tulungan tayo dahil ‘kaibigan’ nila tayo.

Ang kanilang interes ay mapigilan ang paglaki at paglakas ng Tsina at maging isang super power kagaya nila na kanilang magiging kakumpetensiya sa pandaigdigang saklaw ng kapangyarihan.

Kung babalikan pa nga sa kasaysayan, termino pa lang ni US president Harry Truman (1945-1953), naka-focus na ang Amerika sa isang digmaan laban sa Tsina.

At sa panahon pa ring ito, nakahanda nang “kumasa” laban sa Imperyalismong US ang Tsina—kasehodang isang sobrang naghihirap na bansa ito noon.

Tiyak na gulo ang hatid ng mga Amerikano kung hahayaan silang makialam sa sigalot sa West Philippine Sea.

At kung sakaling magkagayon, aba, tayo ang magiging kawawa dahil tayo ang maiipit sa dalawang dambuhala.

Dahil hindi basta-basta aatras o yuyuko ang Tsina pagdating sa mga kagamitang pandigma ng Amerika sa West Philippine Sea. Kaya hindi malayong sumiklab ang gerang ito at tayo ang tiyak na magiging battleground at madudurog dito— kung papayagan nating maging “tuta” ulit tayo ng mga Amerikano.

At syempre tulad ng nakita natin sa ating kasaysayan, kung sino ang mananalo, ito ang ‘tutulong’ sa atin para makabangon at doon tayo mababaon ulit sa utang.

Hindi na bago ang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa. Nang sakupin tayo ng mga Hapones at muling nanumbalik ang mga Amerikano sa Pilipinas, kanilang dinurog ang Kamaynilaan upang tiyakin na hindi tayo makakabangon nang hindi umaasa sa kanila.

Hindi dapat tayo nasisilaw sa kapangyarihan na mayroon ang Estados Unidos at tignan sila bilang mga superhero na magliligtas sa atin.

Hindi sila gagawa ng isang digmaan para lamang sa interes ng mga Pilipino. Nakita na natin ang kayang gawin ng mga Amerikano sa ating mga Pilipino at hindi iyon naging maganda.

Alam nating hindi madali ang sitwasyon sa West Philippine Sea subalit hindi natin susuportahan ang isang gerang tayo ang magiging kawawa at ipapain sa sariling interes ng Estados Unidos.