Home>Editorial>Opinion>Ang isyu ng ‘BTS’ sa Kongreso, bow!

Ang isyu ng ‘BTS’ sa Kongreso, bow!

NAGKAKAGULO” ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, mga kabayan.

At ang “isyu” ay itong ‘BTS’ na halaw sa pangalan ng sikat (daw) na ‘Korean K-Pop group.

Ang “gulo” ay sa pagitan ni ex-Speaker, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at ang kanyang grupo—na lahat ay wala na ngayong puwesto—at ang kasalukuyang mayorya sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco ng Marinduque.

Para naman maging “malinaw” sa lahat, dear readers, ilalahad natin dito ang kani-kanilang posisyon at kayo na ang bahalang magpasya, hane?

Mula sa kampo ni Rep. Cayetano:

“Ang pinakabagong ibig sabihin ng BTS ay kumakatawan sa isang bagong kilusan sa Kongreso, ang ‘Balik sa Tamang Serbisyo,’ sa pangunguna ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

“Ayon kay Cayetano, puwede ring ang ibig sabihin nito ay Bayanihan, Tapang at Serbisyo na tila (daw) nawala na ngayon sa Kamara de Representante.

“Nang siya ang Speaker noon, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE.

“Ngayon, nakakalungkot na ang dating House of the People ay naging House of Politics na, ayon pa kay Cayetano.

“Ang punto ng BTS sa Kamara de Representante ay muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, ang mga presyo ng bilihin at kuryente, at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayang Pilipino.

“Paano na rin ang pag-amyenda ng batas para mapigil ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth ngayong taon, tulad ng pinag-utos ng Pangulong Duterte?

“‘Yung pangako ng mga higante at mayayamang telcos na pabilisin ang internet service, na kailangang kailangan ngayon sa online learning at online businesses, may nangyari ba?

“Ilan lang ito sa mga isyu na dapat sana ay napapaglaanan ng atensyon ng Kamara ngayon pero tila ba puro pamumulitika na lang ang inaatupag.

“Eto ngayon ang gustong baguhin ng kilusang BTS, na kasama rin sina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro.

“Kasapi rin ng kilusang BTS sina Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at, Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor, na dating chairman ng House public accounts committee.

“Kung bibilangin pala ay pito silang lahat na nangunguna sa kilusang ito, kasing dami ng miyembro ng K-pop group na BTS.

“Ayon kay Cong. Defensor, hindi lamang sila ang kasapi sa kilusang ito, kundi marami pa silang mga committee chairperson at iba pang miyembro ng Kamara na sumisimpatiya sa layunin ng BTS.

Makati City Pabakuna

“Aniya pa, ang mga kasama nila sa BTS Congress bloc ay ang mga nagtatrabaho sa Kongreso na gusto muling ibalik ang dating sigla at sipag sa Kamara para makatuon ito sa mga panukalang batas na kailangang ipasa agad.

“Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang peace and order, ayon naman kay Cong. Castro dahil nakakabahala na ang mga nangyayari, tulad na lamang ng pamamaril ng isang pulis sa isang mag-ina kamakailan, at ang lumalalang problema ng online child pornography sa bansa.

Ang patutsada naman ng kampo ni Speaker Lord:

“Tatlong buwan matapos sipain sa puwesto ng kanyang mga kasamahan bilang House Speaker, umeksena na naman si Rep. Alan Peter Cayetano at ginamit pa ang BTS para bumango ang kanyang pangalan sa publiko.

“Sa pagbabalik-Kongreso ni Cayetano matapos um-absent nang ilang buwan, tinawag niya ang kanyang grupo na “BTS sa Kongreso.”

“Kung akala ni Cayetano na makakapuntos siya sa paggamit sa pangalan ng BTS, nag-backfire pa ito sa mukha niya dahil nagwawala ngayon sa social media ang mga milenyal at kabataang Pilipino na miyembro ng ARMY, ang official fanbase ng BTS. Hindi sila payag at ‘bad taste’ daw ang ginawa ng pinatalsik na lider ng Kamara.

Ayon sa isang viral tweet ng isang netizen na isang solid ARMY member, kailangan daw nilang mag-register sa COMELEC para sa 2022 elections at ipamalas ang kanilang lakas kontra kay Cayetano at mga kasamahan nito.

“(You) see, they use BTS to get our votes. Let us prove them wrong. We are not gullible! We won’t allow them to capitalize on our admiration for BTS. We resist this manipulation!”

“Sa pagbibida ng BTS sa Kongreso sa media noong isang araw, kanilang sinabi na sila raw ang kakatawan sa “independent majority” na susuporta sa legislative agenda ni Presidente Rodrigo Duterte habang mananatiling kritikal sa mga panukalang batas na ginagawa sa lower chamber.

“Pero ngayon pa lang ay marami na ang nagdududa sa tunay na layunin ng BTS sa Kongreso.

“Ayon sa ilang eksperto sa politika, dahil wala namang nagawa ang mga miyembro ng grupo ni Cayetano bilang mga mambabatas para sa bansa at mga Pilipino ay pinipilit ng mga ito na maging relevant sa pamamagitan ng pag-angkin nang walang pahintulot sa pangalan ng totoong BTS.

“Sigurado raw na mag-iingay at kokontra lang sina Cayetano sa Kongreso na magpapabagal sa pagsusulong ng mga kinakailangang panukalang batas para umasenso ang ating bansa at tayong mga mamamayan. Dapat pala sumama na lang sila sa Makabayan Bloc!

“May ilang political analyst pa ang nagsasabi na ang hakbang ni Cayetano ay isang paraan ng pag-testing kung kakagatin siya ng publiko lalo’t nagkakapuwestuhan na sa 2022 presidential election kung saan nasa ibaba siya ng mga survey.

“Balak na raw kasing magsolo ni Cayetano at kumawala sa administrasyon dahil siguradong hindi naman daw siya mamanukin ni Duterte sa darating na presidential derby.

“Nakarating na sa Big Hit Entertainment, ang ‘manager’ ng BTS, ang pambabalahura sa grupo ng pangkat ni Cayetano at inaasahang magdedemanda ito.

Imbes na bumango, kalaboso!

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight