Home>Editorial>Opinion>Arrest warrant vs konsehal

Arrest warrant vs konsehal

SA sobrang aga ng pulitika sa Caloocan City, halos lahat ng ‘netizens’ mula sa lungsod ay interisadong malaman ang mga pangyayari hinggil sa labanan nina Mayor Oca Malapitan at District 2 Congressman Egay Erice.

Ang masaklap, sumambulat kahapon ang balitang isang warrant of arrest ang inilabas ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 126 kaugnay sa kasong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Justice (DoJ) laban kay Councilor Alexander Mangasar.

Si Mangasar, para sa kaalaman ng lahat, ay isa sa mga kapartidong konsehal ni Erice.

Nabatid na ang konsehal ay may pagkakautang sa BIR na nagkakahalaga ng kabuuang P8,385,754.94, na nahahati sa P6,969,750.82 na income tax at P1,416,004.12 na value added tax, kasama na ang penalty at interest.

Diumano, hindi nagbayad ng tamang buwis ang kompanya ni Mangasar na Xander Marketing noong taong 2011. Ibig sabihin, halos 10 na taon na ang isyu ng tax evasion laban sa konsehal at nito lamang Lunes, Pebrero 8, naglabas ng arrest warrant si Acting Presiding Judge Misael Ladaga.

Itinaya ni Ladaga ang bailbond na P60,000 para sa temporary liberty ni Mangasar.

Ang reklamong tax evasion ay isinampa nina Revenue Officers Marilyn Alonzo, Teresita Origen at John Daniel Cruz matapos hindi umano pansinin ni Mangasar ang kanilang demand letter na bayaran ang orihinal na mahigit P1.3 milyon na pagkakautang ng Xander Marketing sa BIR.

Paglabag sa Section 255, Chapter 2 ng National Internal Revenue Code of the Philippines (NIRC) ang isinampa laban sa kanya.

Unang inimbestigahan ang Xander Marketing noon pang 2013. Sa kabila ng paulit-ulit na demand ng BIR-Caloocan na bayaran ang pagkakautang ng kanyang kompanya, binalewala umano ito ng konsehal dahilan para tuluyan na siyang kasuhan.

Makati City Pabakuna

Pormal na isinampa ng Caloocan City Prosecutor’s Office ang reklamo sa DOJ noong 2019.

Sa ganang akin, malaki ang impact ng arrest warrant ni Mangasar para sa partido ni Egay.

Mahirap kasing gibain ang kampo ni Malapitan dahil sa magandang performance ng administrasyon nito.

Sa tuwing naglalabas ng ‘demolition job’ laban kay Malapitan, palaging sigaw ang ‘graft and corruption.”

Hindi maaaring ibintang ng kampo nina Erice na simpleng ‘political harassment’ ang nangyari kay Mangasar dahil hindi po sina Malapitan ang nagsampa ng kaso sa kanya kundi ang national government mismo na BIR at DOJ.

Ibig sabihin, imposibleng magkaroon ng galaw ang kampo ni Malapitan hinggil sa tax evasion case ni Mangasar dahil kung mayroong dapat sisihin dito ay ang konsehal mismo na hindi natin alam kung bakit ‘napabayaan’ ang pagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

Ang Mangasar tax evasion case ay pinagpipiyestahan na rin ngayon hindi lamang sa social media, kundi pati na rin sa umpukan sa ilang komunidad sa Caloocan.

Isinusulat ko ito kahapon ng umaga ay wala pang inilalabas na tugon ang kampo nina Erice at Mangasar tungkol dito.

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large