Home>Editorial>Opinion>Autopsiya muna bago embalsamuhin ang bangkay
Opinion

Autopsiya muna bago embalsamuhin ang bangkay

AYON kay Dr. Pedro P. Solis, kinikilalang ama ng Legal Medicine sa Pilipinas, ang autopsiya ng isang bangkay ay dapat munang tapusin bago ito embalsamuhin sapagkat ang formalin o ano mang kemikal na gagamitin sa pag-eembalsamo ay makakasira sa kadalisayan ng dugo o ano mang tisyu ng bangkay na daraan sa toxicology analisis. “The embalming may alter the gross appearance of the tissues or may result to a wide variety of artifacts that tend to destroy or obscure evidence. An embalmer who applied embalming fluid on a dead body which in its very nature is a victim of violence is liable for his wrongful act.” [ Solis, Legal Medicine, 1987, p. 169] Kabilin-bilinan ni Dr. Solis na ang bangkay ay dapat ma-autopsiya sa kondisyon ng ito ay matagpuan sa pinangyarihan ng krimen. Ang pagka-antala ng autopsiya ay maaaring makapagpabago ng resulta ng autopsiya na hindi mainam para sa interes ng hustisya.

Nakapagtataka ang pagsalungat ng PNP sa alituntuning ito na nilatag ni Dr. Solis. Inuutos ng PNP Investigator’s Handbook for New Normal na inilabas noong Hunyo, 2020 na ang isang bangkay ay dapat munang embalsamuhin bago ito dumaan sa autopsiya [Section 3.7 nos 3 and 5]. Ano po bang agham ang ginamit na batayan ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management upang isantabi ang sinabi ni Dr. Pedro Solis na gawin muna ang autopsiya bago embalsamuhin ang bangkay?

Ang bangkay ng isang taong namatay na balot ng kaduda-dudang pangyayari ay makapagsasaysay ng tunay na sanhi ng kamatayan nito. Sa pamamagitan ng autopsiya, na gagawin ng isang doktor na batido sa forensic pathology, ang resulta ng autopsiya ay magagamit upang pabulaanan ang ano man kasinungalingan sinaysay ng mga testigo at makakatulong ng husto upang mabura ang duda ng hukom na ang pinagsasakdal ang tunay na salarin o may kagagawan ng kamatayan ng biktima.

Kung tama si Solis at mali ang PNP Investigator’s Handbook of the New Normal, hindi mapagkakatiwalaan ang autopsiya ng PNP dahil kontaminado na ang dugo at tisyu ng bangkay ng formalin ng ginawa ang autopsiya at maaaring balewalain ito ng hukuman. Magsisilbing balakid ito sa pagtuklas ng katotohan upang mabigyan ng hustisya ang biktima at ang maling inakusahan ng karumal dumal na krimen. Kung hindi babawiin ang Section 3.7 paragraph 3 at 5 ng PNP Investigator’s handbook, at walang saksi sa pamamaslang, ang may kasalanan ay hindi makakasuhan at ang walang kasalanan ay mahahatulan.

Tayo ay nakikiramay sa pamilya Dacera. Mariin ang hiling ni Gng. Sharon Dacera sa Pangulo na parusahan agad ang mga may kasalanan sa pagkamatay ng kanyang 23 anyos na anak. Ang mga kaibigan ni Bb. Christine Dacera ay humihingi rin ng tulong sa Pangulo upang malinis ang kanilang mga pangalan. Kung “lex talionis” ang paiiralin na sumusunod sa pilosopiya ng neo-realismo, hindi mo na nga kakailanganin pa ang maayos na autopsiya sapagkat wala ng paglilitis ng hukuman na magaganap para maparusahan ang mga pinaghihinalaang may sala. Hindi ito dapat ang umiral sapagkat bawat tao ay mahalaga sa mata ng Diyos at karapatan ng bawat mamamayan na humarap sa paglilitis bago siya parusahan ng batas.

Dalawa lang ang forensic pathologist ng 110 milyon mga Pilipino. Kulang na kulang ang bilang na ito. Hindi iiral ang hustisya kung wala tayong sapat na kakayahan na mag-imbestiga gamit ang siyensya. Maraming krimen ang mareresolba sa lalong madaling panahon dahil sa resulta ng mga lab test at toxicology at DNA analisis. Dapat din tutukan ang chain of custody ng mga specimen at sample na makukuha sa insidente ng krimen upang hindi pagdudahan ang resulta nito.

Kailangan magbuo ng kurso ang CHED para sa forensic science. Ang magtatapos ng kursong ito ang siya namang papasok sa isang bagong ahensiya ng pamahalaan, ang National Forensic Science Service o NFSS.

Sa kasalukuyan, ang NBI at PNP ay may kanya-kanyang crime laboratory. Kung maitatatag ang NFSS, makapagtatayo ng regional offices ang NFSS na magsisilbi sa mga pangangailangan ng mga rehiyon at hindi na naka-asa lang sa dalawang laboratory sa Kalakhang Maynila. Mahirap mapangalagaan ang chain of custody ng mga specimen at sample ng dugo at tisyu ng mga bangkay na kailangan pang isakay sa eroplano para hindi ito mapanis,marumihan o mahaluan ng ibang bagay na makakaapekto sa resulta ng pagsusuri. Mahirap din ipadala ang mga opisyales na kailangan tumestigo sa korte sa probinsya para patunayan ang resulta ng kanilang eksaminasyon.

Ang NFSS ay maaari na rin maging lagakan ng lahat ng fingerprint, dental records at sperm sample ng mga nahatulan ng hukuman. Sa ganitong paraan magkakaroon ng crime database ang bansa at mas madaling matutugis ang mga gumawa ng krimen.