Bakuna war

LAHAT na lang ng bagay ay gustong pag-awayan dito sa atin.

Pati mga walang alam sa sangkap ng bakuna, biglang nagiging eksperto na daig pa ang albularyong laos na si Mang Kepweng.

Iyong akala mo nagpakadalubhasa sa lahat ng gamot para siraan ang isang brand at purihin naman ang isa pa.

Sila iyong LBM gang o Laging Bumabanat para Makasabat!

Pero habang sinisiraan ang bakuna mula sa Tsina, panay naman ang tulak sa mga gawa ng Kanluranin. Okey lang ang mga duktor ang magdebate sa talab ng bakuna kung saan man ito nagmula dahil may kaalaman sila sa gamot.

Pero kung sasabat ang mga political analyst at iyong mga LBM at pagdidiskusyunan ang bisa ng mga parating na gamot, aba’y mag-paracetamol muna kayo.

Una, kaya may mga tinatawag na clinical trials ay para malaman kung ang partikular na bakuna ay puwede sa lahat ng uri ng tao. Kaya nga nalaman na hindi puwede sa 15 years old and below dahil nalaman ito sa pagsusuri ng mga dalubhasa.

Bagama’t tao nga tayong lahat, magkakaiba naman tayo ng lahi. Ibig sabihin kung lapat sa mga tao sa Kanluran ang isang bakuna, hindi naman puwedeng sabihing lapat din ito sa mga Asyano at Africano or Indiano or iyong mga nasa Gitnang Silangan. May mga gamot na universal effects sa lahat ng tao gaya ng cough syrup or paracetamol pero hindi ganito ang kaso sa bakuna.

Makati City Pabakuna

Kaya nga may reported na namatay na sa bakuna sa ibang mga bansa dahil nga sa aspeto na hindi ito lumalapat sa ibang age bracket at lahi.

Baka nga sa volume o dami ng sukat na kailangan ng Asyano ay iba ang kailangan sa ibang lahi dahil sa height, body built or bloodline. Hindi rin tayo eksperto subalit ito’y mula lamang sa pananaw ng karaniwang tao batay sa mga naglalabasang impormasyon.

Simple lang naman yan, hindi natin kailangang magmarunong sa usapin ng bakuna dahil nakakadagdag pa tayo sa pangamba ng ibang kababayan natin. Unang-una, wala namang estado ang magtuturok ng lason sa kanyang mga mamamayan. Exemption lamang ang Dengvaxia kasi masyado talaga itong minadali at hindi pa nakukumpleto ang lahat ng clinical trials isinaksak na.

Pero itong COVID-19 vaccine, kakaiba ito dahil worldwide necessity ito na pinagtulungang aralin ng mga dalubhasa kaya huwag tayong amuyong na nagmamagaling.

Ako mismo, alinman sa mga bakunang darating ay hindi pa desidido kung magpapaturok o hindi. Kailangan ko rin ng tamang desisyon bago magpaturok, hindi ako makikiuso para lamang sabihing “in” ka kaya dapat bakunado.

Pero wala ako sa posisyon para husgahan ang alinmang bakuna kung saan man nanggaling basta ang importante, kung ito ang makapagsisilbing proteksiyon, lalo na sa mga frontliners at vulnerable sectors, suportado natin ito.

Habang nasa waiting game pa tayo kung alin sa mga ito ang gagamitin ng gobyerno, manahimik muna tayo at huwag siraan ang alinmang produkto.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV