Home>News>Metro>Binata nang-agaw ng cp, pinaaresto ng ina

Binata nang-agaw ng cp, pinaaresto ng ina

KALABOSO ang 21-anyos na tambay nang ireklamo ng kanyang sariling ina matapos tangayin ang kanyang cellular phone na ginagamit niya sa pagtuturo sa kanyang apo Huwebes ng hapon sa Navotas City.

Sa halip na sumama ng matiwasay sa pulisya, pinagmumura at marahas na nanlaban pa sa mga umarestong pulis si Noel Masangque kaya’t bukod sa kasong pagnanakaw, sinampahan din siya ng reklamong resistance and disobedience sa piskalya ng Navotas.

Sa tinanggap na ulat ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, kasalukuyang tinuturuan ni Melinda Masangque, 49, ang kanyang apo sa loob ng kanilang tirahan sa Blk 32, Lot 11 Lumang Pabahay, Tanza 2 nang dumating ang kanyang anak dakong alas-2:40 ng hapon.

Makati City Pabakuna

Marahas na hinablot ni Noel ang gadget na gamit sa pagtuturo ng ina sa kanyang apo bago mabilis na umalis ng kanilang bahay matapos tangkain ng ginang na pigilan ang anak.

Dito na humingi ng tulong si Melinda sa mga tauhan ng barangay at pulisya subalit nang matunton nila ang suspek, marahas na nanlaban, pinagmumura at masasakit na salita pa ang binitiwan ng binata sa kapulisan bago siya tuluyang madakip.

Desidido naman si Melinda na ituloy ang reklamo sa sariling anak kahit na nabawi na ang kanyang Oppo cellular phone dahil nais aniya niyang maturuan ng leksiyon ang binata.

Publication Source :    People's Tonight