Home>Editorial>Opinion>‘China vaccine’ hindi dapat katakutan, pagdudahan

‘China vaccine’ hindi dapat katakutan, pagdudahan

HINDI dapat katakutan o pagdudahan ang ano mang bakuna laban sa COVID-19, kasama na ang mga bakuna na gawa sa Tsina.

Ito ang mensahe ng dalawang eksperto sa pagbabakuna sa pinaigting na kampanya ng gobyerno upang hikayatin ang mga Pinoy na magpabakuna— Pinas ang may pinakamaraming mamamayan sa buong SE Asia na “takot” o “tamang duda” sa bakuna.

Ayon na rin kay Dr. Nina Gloriani na pinuno ng DOST Vaccine Expert Panel at katuwang ngayon ng DOH at FDA sa pag-aaral sa mga bakuna na kinokonsidera ng gobyerno, hindi lang nabigyan ng tamang konteksto ang unang napaulat na ’50 percent efficacy’ ng Sinovac na gawa ng Tsina at batay sa ginawang ‘clinical trial’ sa mga ‘frontliners’ sa Brazil.

Aniya pa, sa bukod kasing ‘mixed group clinical trial’ sa Turkey kung saan bukod sa mga frontliners ay may kasama rin na mga ordinaryong sibilyan, napatunayan namang higit 90 porsiyento itong epektibo at 67 porsiyento naman sa Indonesia.

Samantala, ang 50 percent efficacy ng Sinovac na palaging binabanggit ng mga ‘pro-Big Pharma’— kasama na rito ang FDA— bilang “pruweba” na hindi ito dapat gamitin ay pasado rin sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).

Bukas, araw ng Linggo, Pebrero 28, 2021, inanunsiyo ng ‘Chinese Embassy’ ang pagdating ng donasyon sa atin na 600,000 doses ng Sinovac (sobra pa ng 100,000 doses sa unang ‘commitment donation’ ng Tsina na 500,000 doses).

Sabihin pa, dapat natin itong ipagpapasalamat dahil sa ‘sandamakmak na mga bakunang naimbento na at sinasabing aangkatin ng Pinas, ang bakuna galing sa Tsina ang una— at aktwal— na bakunang magagamit ng mga Pinoy, oh, di ba?

Makati City Pabakuna

Para naman kay Dr. Lulu Bravo— na ilan sa mga kaibigan at kasamahang mga doktor at espesyalista ay namatay matapos mabiktima ng COVID-19– “utang na loob ng mundo” sa Tsina ang ginawa nitong paglalabas ng ‘genetic code’ ng COVID-19 noong isang taon dahil ang ipinakitang ‘openness’ ng Tsina ang dahilan kung bakit agarang naimbento ang iba’t-ibang mga gamot laban dito.

Translation? Ang “pundasyon” nang ipinagyayabang na mga pro-Big Pharma na ‘mRNA technology’ ng Pfizer at AstroZeneca laban sa COVID-19 ay ang genetic code nito na inilabas ng Tsina.

Si Dr. Bravo ang pangulo ng Philippine Foundation for Vaccination at palagi nating nakakapanayam tungkol sa isyu ng kahalagahan ng bakuna.

Ayon pa sa kanila ni Dr. Gloriani, walang dapat ikatakot sa bakuna, dahil ang bawat isa sa mga ito ay dumaan sa istriktong proseso ng pagsusuri at pag-aaral ng mga eksperto, kasama na ang mga bakuna galing sa Tsina.

Pabor din, anila, ang pagdating bukas ng Sinovac dahil sa wakas, magkakaroon ng ‘clinical trial’ sa mga Pinoy na siya namang magiging batayan upang malaman ang antas ng “bisa” nito sa atin.

Translation ulit? Huwag matakot sa bakuna at huwag magkaroon ng diskriminasyon na nakabatay lang ang karamihan sa tsismis at kathang isip ng mga miron sa FB at social media, period!

Publication Source :    People's Tonight