HINIHILING ni dating Cavite City Vice Mayor Percelito Consigo ang agarang pag-kansela sa certificates of candidacy (CoCs) na isinumite niina Mayor Dennver Chua at Vice Mayor Raleigh Rusit ng Cavite City dahil diumano sa pagsisinungaling at paglabag sa Section 78 ng Omnibus Election Code.
Sa petisyong inihain ni Consigo at tinanggap ng Commission on Elections (COMELEC) Cavite City nitong October 28, 2024, sinabi nito na sa COC na isinumite nina Chua at Rusit ay hindi nakasaad o nagkaroon ng ‘false material representation’ ukol sa mga nakabinbin nilang kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman.
Ayon pa kay Consigo, malinaw na may intensyon ang nasabing mga opisyal na iligaw o lokohin ang mga botante ng lungsod ng Cavite kung kaya’t dapat umano na hindi bigyan ng kaukulang atensyon o ‘due course’ and kanilang mga COC at sa halip, ito ay dapat na makansela alinsunod sa itinatakda ng Section 78 ng Omnibus Election Code.
Inihayag din sa nasabing petisyon na nang mag-fill out at mag-file sina Chua at Rusit ng kanilang CoC sa Comelec Cavite Field office noong October 1, 2024 ay sadya umanong itinago at hindi inilagay ng dalawa na sila ay kasalukuyang nahaharap sa ilang kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa kanila ng iba’t-ibang complainants, na kinabibilangan ng Grave Misconduct at Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to Public Service, na kung mapapatunayan aniya sa mga pagdinig ay maaring maging batayan upang sila ay tanggalin sa puwesto at magkaroon ng ‘perpetual disqualification from holding public office’ o habambuhay na silang hindi makakahawak ng anumang puwesto sa gobyerno.
Isinaad pa ni Cosigo sa petisyon na nagkaroon umano ng ‘material misrepresentation’ o pagsisinungaling sa bahagi nina Chua at Rusit nang hindi nila inilagay sa likod ng CoC na sila ay may mga nakabinbin na kaso sa Ombudsman.
Ang naturang criminal at administrative cases na kinakaharap ng dalawa, ayon kay Consigo, ay isinampa laban sa kanila nitong nakalipas na taon pa na kinabibilangan din ng graft and corruption, abusadong pagpapatupad ng tungkulin, iregularidad sa mga ‘procurement’ o binili ng lungsod at pag-abuso laban sa mga dating opisyal at empleyado ng lungsod, kasama na ang diumano ay hindi pagbibigay ng mga terminal leave benefits ng mga ito matapos na sila ay mag-resign at mag-retiro.
Ayon kay Consigo, isang empleyadong may kapansanan o person with disability (PWD) ang napilitang mag-resign dahil sa pahirap na inabot nito bilang parusa dahil sa politika o political vendetta.
Nahaharap din ang mga nasabing opisyal sa mga reklamo dahil sa diumano ay ‘usurpation of official function in disbursement of public funds’ at pag-isyu ng city accountable vouchers at Landbank checks, sa kabila ng kawalan ng awtoridad upang gawin ito.
Idinagdag pa ni Cosigo na nagkaroon din umano ng anomalya sa pagbili ng mga supplies nang gumamit ng alternatibong paraan upang iwasan ang ‘competitive bidding’ at gayundin, sa pag-award ng procurement contracts sa mga hindi kwalipikadong bidders, na isa umanong paglabag sa Government Procurement Reform Act.



