Home>Editorial>Opinion>CPP-NPA: Tagapagtanggol o Tagatanggal ng Karapatang Pantao?
Opinion

CPP-NPA: Tagapagtanggol o Tagatanggal ng Karapatang Pantao?

Hindi pa ba tayo mulat sa mga pinaggagagawa ng CPP-NPA-NDF na siyang lumalabag talaga sa mga Karapatang Pantao ng mga Pilipino tulad na lamang ng pagrerekrut nila sa mga bulnerableng sektor ng lipunan gaya ng mga IPs, kababaihan, magsasaka, mahihirap at mga kabataan para sumali sa kilusan nila at kadalasan ay sila pa ang ginagawang sangkalan ng kanilang mga masasamang balak?

Ayon sa mga nakalap na talaan, ang mga Komunistang Teroristang Grupo ay nakapagsagawa ng nasa halos 1, 900 na paglabag sa Karapatang Pantao mula taong 2010 hanggang sa taong kasalukuyan. Nakasaad dito na ilan sa mga paglabag ay ang pagrerekrut ng mga menor-de-edad para sumali sa mga armadong grupo, paninira at panununog ng mga ari-arian ng mga sibilyan o mga pribadong kumpanya at mga negosyante, paggamit ng mga Anti-Personnel Mines o Improvised Explosive Device, mga sadyang pagpatay ng mga inosenteng mamamayan at marami pang iba.

Malinaw naman na lumalabag sa Karapatang Pantao ang mga mapagbalatkayong mga grupo na ito. Tinanggalan nila ng karapatan ang mga kababayan nating kanilang narerekrut na mamuhay ng mapayapa at malaya. Ni hindi man lamang nila inisip ang kahihinatnan ng mga taong kanilang pilit na idinamay sa mga kaguluhang kanilang kinasasangkutan. Wala silang pakialam sa kung ano ang magiging epekto nito sa mga taong kanilang nalinlang. Nilalagay na sila sa panganib at sa mga iba’t ibang uri ng pang- aabuso at karahasan. Sa halip na nasa kani-kanilang mga pamilya na ang mga nalinlang nila ay nasa kabundukan sila at nakikipagsapalaran sa kung ano ang magiging kinabukasan nila- walang kasiguraduhan at walang patutunguhan ang kanilang mga nais ipaglaban.

Walang konsensya ang mga berdugong patuloy na nagrerekrut ng mga inosenteng tao na umanib sa kilusan nila kahit pa ikapahamak nila ang kanilang ipinapagawa. Nasasayangan ako sa buhay na kanilang nililinlang at walang kamuwang- muwang. Sinasamantala nila ang mga inosenteng pag- iisip ng mga tao at itinatatak sa mga utak nila na ang pakikipaglaban ay ang solusyon sa mga problema ng ating bansa.

Ano nga ba ang ipinaglalaban ng mga NPA? Tagapagtanggol nga ba sila ng mga naaapi? O sila ang numero unong tagatanggal ng Karapatang Pantao? Marunong nga ba silang rumespeto sa mga karapatan ng isang kabataan o mga katutubo? O marunong lang silang magpaawa sa taong bayan para labanan ang ating gobyerno? Kung sakaling manalo sila sa kanilang ipinaglalaban at matalo ang gobyerno, saan tayo pupunta? Ano ang kanilang susunod na hakbang?

Sa paggunita natin sa International Human Rights Day nitong darating na Disyembre 10, sana ay mabasa ito ng mga mapanlinlang na grupong CPP-NPA-NDF para sila rin mismo ay mamulat sa mga pinaggagagawa nila at matauhan na. Kung talagang inaangkin nila na sila talaga ay tagapagtanggol ng Karapatang Pantao, ipakita at ilantad nila sa taong bayan kung sino-sino ang mga biktimang ito at patunayan nilang hindi sila kailanman lumabag sa alin mang Karapatang Pantao. Sa palagay ko naman ay wala talaga sa panig ng CPP-NPA-NDF ang tunay na tagapagtanggol ng Karapatang Pantao dahil sila rin mismo ang nagpapahamak sa kanilang mga kasamahan. Kaya nananawagan ako sa tamang kinauukulan na sana ay panagutin na ang CPP-NPA-NDF sa mga nagawang krimen o karahasan nito lalong-lalo na sa mga paglabag nito sa Karapatang Pantao.

Sheila Mae L. Viernes
Cauayan City, Isabela

Journal Online
A collection of noteworthy information on various topics from the Philippines and the rest of the world.
https://journal.com.ph